PH ibinalik sa ‘low-risk’; inihahanda sa paglipat sa ‘new normal’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Naghahanda na ang gobyerno para sa paglipat sa “new normal” dahil ang bansa ay bumalik na ngayon sa low-risk classification para sa Covid-19, sinabi ni acting Presidential spokesperson, Cabinet Secretary Karlo Nograles, nitong Martes.

“Nasa low-risk classification na po ang National Capital Region at ang buong Pilipinas. Base ito sa tatlong metrics na ginamit growth in cases, average daily attack rate per 100,000 population and health system’s capacity,” wika ni Nograles sa briefing ng Palasyo.

Sa parehong briefing, sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang average average daily cases bawat araw mula Pebrero 8 hanggang 14 ay 56 porsiyentong mas mababa kaysa sa mga naitala na impeksyon mula Pebrero 1 hanggang 7.

Sinabi ni Vergeire na ang patuloy na pagbaba ng mga bagong kaso ng Covid-19 sa bansa ay nakatulong sa pamamahala sa kapasidad ng national health system.

Sa kanyang ulat kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Talk to the People noong Lunes ng gabi, sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na umabot ang Pilipinas sa low-risk case classification na may negatibong two-week growth rate na -74 porsyento at low-risk average daily attack rate na 5.26 bawat 100,000 indibidwal.

Aniya, lahat ng rehiyon sa bansa ay nasa low risk maliban sa Region 11 (Davao), Cordillera Administrative Region, Region 6 (Western Visayas), at Region 12 (Soccsksargen), na pawang nasa ilalim ng moderate risk classification.

Ayon kay Duque, ang intensive care unit utilization rate sa buong bansa ay nasa mababang panganib sa 34.12 porsyento.

Samantala, sinabi niya na ang kabuuang paggamit ng COVID-19 na mga higaan at mechanical ventilator sa bansa ay wala pang 50-porsiyento na paggamit.

Iniugnay ni Nograles ang pinakabagong sitwasyon ng Covid-19 sa kooperasyon ng publiko, sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa minimum public health standards at pag-avail ng mga bakuna laban sa Covid-19.

All of the progress we have made to bring down the number of cases is a product of our collective efforts, and we thank our kababayans for their cooperation. We urge everyone to remain conscious of our health protocols as we work to build on the progress we continue to make,” isinaad ni Nograles.

Sa kanyang ulat kay Duterte, sinabi rin ni Presidential Adviser on Covid-19 Response, Secretary Vince Dizon, na ginagawa na ang “new normal” roadmap ng National Task Force (NTF) Against Covid-19 at ng DOH.

Ang new normal roadmap, ayon kay Dizon, ay magiging available sa unang linggo ng Marso at ipi-prisinta kay Duterte.

This will really signal our move towards some semblance of normalcy after this very difficult two-year where we have dealt with the pandemic,” wika ni Dizon.

Sa ilalim ng roadmap, inaasahan ng gobyerno ang pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas habang pinapalawak ang saklaw ng pagbabakuna laban sa Covid-19 sa mas maraming Pilipino.

Ang Pilipinas ay nakapagbigay ng 132,031,140 dosis ng Covid-19 vaccine, kung saan 61,225,811 Filipino ang ganap na ngayong nabakunahan, kabilang ang mga nakatanggap ng single-dose na Janssen at Sputnik Light jabs.

May 9,161,128 ganap na protektadong Pilipino ang nakatanggap ng karagdagang dosis o booster shot.

LATEST

LATEST

TRENDING