
MANILA – Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang mga kaso para matukoy ang posibleng mga lead sa serye ng mga pag-atake na nagta-target sa mga empleyado ng Bureau of Custom (BOC).
“It is unlikely that this is an isolated case since the first two incidents happened last December. Then, the next one was last January. Now, another BOC employee was shot dead. I am instructing our investigators to get all the necessary pieces of evidence,” wika ni PNP chief, Gen. Dionardo Carlos, sa isang pahayag Linggo ng gabi.
Ang pinakahuli sa mga pag-atakeng ito ay ang pamamaril kay BOC information technology (IT) operator Gil Manlapaz sa harap ng kanyang bahay sa Sta. Ana, Maynila noong gabi ng Pebrero 11.
Sinabi ng mga saksi na papalapit ang biktima sa kanyang sasakyan nang barilin siya ng isang lalaking nakasuot ng itim na jacket at puting helmet at tumakas.
Nangyari ang pag-atake dalawang araw lamang matapos ang pag-atake ng granada sa harap ng bahay ni Customs Deputy Commissioner Teddy Raval sa Barangay Roxas District, Quezon City noong Pebrero 9.
Sa rekord ng pulisya, mayroong apat na pag-atake laban sa mga empleyado ng BOC mula Disyembre 2021 hanggang Enero ngayong taon.
Nakuha ng PNP ang surveillance footage mula sa isang closed circuit television (CCTV) camera na nagpapakita kung paano ini-stalk ng suspek si Manlapaz ilang minuto bago ang insidente.
“This will be helpful since we also have CCTV records of the previous crime incidents. Now, we want to find out if there are similarities on how these injustices were executed,” wika ni Carlos.





