
MANILA – Iniulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na may kabuuang 1,050 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa Commission on Elections (Comelec) gun ban.
Kabilang sa mga nahuli ang 1,022 sibilyan, 13 security guard, walong pulis, at pitong tauhan ng militar.
Sa kabuuan, 927 police operations ang nagbunga ng 816 na baril, 5,048 piraso ng bala, at 358 nakamamatay na armas.
Sa pagbanggit sa pinakahuling datos nito, sinabi ng PNP na ang nangungunang limang rehiyon sa bilang ng mga naarestong lumabag ay ang National Capital Region na may 312, na sinundan ng Central Visayas na may 138; Central Luzon na may 121, Calabarzon na may 102, at Western Visayas na may 51.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec) Resolution No. 10728, ang pagdadala ng mga baril o nakamamatay na armas ay ipinagbabawal sa labas ng tirahan at sa lahat ng pampublikong lugar mula Enero 9 hanggang Hunyo 8.
Exempted sa ban ang mga law enforcers, ngunit dapat silang kumuha ng awtorisasyon mula sa Comelec at magsuot ng uniporme na inireseta ng ahensya habang nasa opisyal na tungkulin sa panahon ng halalan.
Ang mga lumalabag ay nahaharap sa pagkakulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi hihigit sa anim na taon at hindi dapat sumailalim sa probasyon.
Nahaharap din sila sa diskwalipikasyon na humawak ng pampublikong katungkulan, pag-alis ng karapatan sa pagboto, at pagkansela o permanenteng diskwalipikasyon sa pagkuha ng lisensya ng baril.





