
MANILA – Sa Church-based online forum na nagsimula nitong Lunes, pito sa 10 presidential bet sa May 9 na halalan ang nagkumpirma sa kanilang partisipasyon.
Sa isang panayam, sinabi ni Bro. Clifford Sorita, isa sa mga organizer ng Catholic E-Forum, na inaasahang lalahok sa one-on-one interview para sa mga tumatakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa ay ang labor leader na si Leody de Guzman, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, dating national security adviser Norberto Gonzales, Senator Ping Lacson, Dr. Jose Montemayor Jr., Senator Manny Pacquiao at Vice President Leni Robredo.
Si De Guzman ang unang kandidato na nakapanayam habang si Montemayor ay magkakaroon ng pagkakataon na maglahad ng kanyang plataporma sa Martes.
Itinatampok ang Catholic E-forum sa Barangay Simbayanan mula 8 a.m. hanggang 10 a.m. kasama sina Veritas anchors Angelique Lazo at Rev. Fr. Jerome Secillano sa pamamagitan ng Radio Veritas 846.
Sinabi ni Sorita na inimbitahan din sa event sina presidential bet Faisal Mangomdato, dating presidential spokesperson Ernesto Abella at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“They have informed us that they received the invite and will communicate their response,” wika ni Sorita.
Sinabi ni Sorita na nagpadala ng mga imbitasyon sa pambansang kandidato dalawang linggo na ang nakakaraan.
Bukod sa presidential bets, inimbitahan ang mga vice-presidential (VP) at senatorial candidates sa church-based program.
Ang mga panayam para sa mga kandidato sa pagkapangulo ay mula Pebrero 14 hanggang 28.
Samantala, ang mga VP bet ay makakapanayam mula Marso 1 hanggang 15 habang ang mga tatakbo sa pagka-senador ay magkakaroon ng pagkakataong magpresenta ng kanilang mga plataporma mula Marso 16 hanggang Abril 29.
Ang mga tumatakbo sa ikalawang pinakamataas na puwesto sa bansa ay sina dating Manila Mayor Lito Atienza, Walden Bello, Rizalito David, Davao City Mayor Sara Duterte, Manny Lopez, Dr. Willie Ong, Kiko Pangilinan, Carlos Serapio at Senador Tito Sotto.
Mayroong 64 na kandidatong tumatakbo para sa 12 senatorial seats.
Naniniwala si Sorita na mahalagang dumalo sa mga naturang forum ang mga tumatakbo para sa pampublikong tungkulin para mas makilala ng publiko ang mga kandidato.
“Attending a public forum is crucial in public accountability, most especially when you are seeking the highest position in the country. The Church is non-partisan thus is it important that everyone has an equal opportunity to be heard and to be asked on crucial issues concerning the country,” wika ni Sorita.
Bukod sa Radio Veritas, maaari ring mapanood ng publiko ang programa sa Radio Veritas Facebook Page, Radio Veritas Asia, TV Maria, Roman Catholic Archdiocese of Manila-Archdiocesan Office of Communications (RCAM-AOC) Catholic Media Network (CMN), Skycable Channel 211 , at iba pang Social Communications Ministry ng Simbahang Katoliko.
Inihaharap din ito ng Episcopal Commission on Social Communications at Permanent Committee on Public Affairs ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.





