
MANILA – Iniulat ng National Task Force (NTF) laban sa Covid-19 nitong Huwebes na ang Pilipinas ay nakapagbigay na ng reformulated low-dosing na Pfizer Covid-19 vaccine sa 26,363 mga bata na may edad 5 hanggang 11 taong gulang.
May 40 hospital-based at local government unit (LGU)-based vaccination sites ang unang naglunsad ng Covid-19 vaccination program para sa pediatric 5-11 age group na nagsimula noong Lunes.
Nauna nang binanggit ni Secretary Carlito Galvez Jr., NTF chief at vaccine czar, ang mahalagang kontribusyon ng pagbabakuna sa mga indibidwal na nagtatrabaho sa sektor ng edukasyon at pagprotekta sa mga menor de edad laban sa Covid-19, sa pagpapatuloy ng physical classes sa bansa.
“Inoculating students and other members of the academic community will ensure their safety when schools finally reopen,” wika ni Galvez.
Tiniyak ni Galvez na walang naiulat na namatay na may kaugnayan sa pagbabakuna sa mga menor de edad laban sa Covid-19.
Nabanggit niya na higit sa 8.7 milyong mga bata ang ganap na bakunado sa buong mundo.
Samantala, nagpahayag ng buong suporta si Education Secretary Leonor Briones sa pagpapalawak ng programang ‘Resbakuna Kids’ sa buong bansa, at sinabing makabuluhan ito sa ligtas na muling pagbubukas ng mga face-to-face classes, partikular ang mga nasa high-risk areas.
“We cannot move to new forms, to new ways of teaching unless our children are safe, unless they are healthy, unless they are also happy with the learning experience,” wika ni Briones.
Ang pagbabakuna sa mga bata 5-11 ay palalawakin sa mas maraming site sa buong bansa pagsapit ng Pebrero 14.
Inaasahan ng gobyerno na mabakunahan ang higit sa 39.41 milyong mga bata na may edad na zero hanggang 17 taong gulang, kung saan 12.74 milyon ang nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang, 15.56 milyon ang 5 hanggang 11 taong gulang, at 11.11 milyon na zero hanggang 4 na taong gulang.





