
MANILA – Nagpasalamat ang Malacañang nitong Martes sa publiko sa pagbibigay kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng “very good” net satisfaction rating na +60 batay sa December 2021 survey ng Social Weather Stations (SWS).
“Lubos po kaming nagpapasalamat sa sambayanang Pilipino sa patuloy ninyong suporta at tiwala sa liderato ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte,” sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, acting presidential spokesperson, sa isang press briefing ng Palasyo.
Tiniyak ni Nograles na ipagpapatuloy ni Duterte ang paglilingkod sa bansa sa abot ng kanyang makakaya hanggang sa matapos ang kanyang termino sa Hunyo.
“Asahan po ninyo na patuloy na gagawin ng Pangulo kung ano ang ikakabuti ng mas nakakarami hanggang sa huling araw ng kanyang panunungkulan,” dagdag niya.
Ipinakita sa SWS survey na si Duterte ay patuloy na may pinakamataas na net satisfaction rate sa mga matataas na opisyal ng bansa.
Ang kanyang +60 net satisfaction rating ay 8 porsiyentong mas mataas kaysa sa kanyang rating noong Setyembre 2021 ngunit 19 porsiyentong mas mababa kaysa noong Nobyembre 2020.
Ang mataas na net satisfaction rating ni Duterte ay dahil sa kanyang matibay na support base, sa pagiging mapagpasya, at sa mga aksyon ng kanyang administrasyon sa pagtugon sa kahirapan at drug war, ayon kay SWS president at chief executive officer Linda Luz Guerrero.
Sa isang prerecorded public address na ipinalabas noong Lunes ng gabi, inihayag ni Presidential Adviser on Political Affairs Jacinto Paras na maraming lokal na opisyal ang patuloy na sumusuporta sa paghawak ng administrasyong Duterte sa umiiral na krisis sa kalusugan.
Bilang tugon, sinabi ni Duterte na sa tingin niya ay hindi siya karapat-dapat sa kanyang katanyagan, at sinabing ang tunay na mga bituin sa pagtugon sa Covid-19 ng bansa ay ang kanyang mga miyembro ng Gabinete.
“I am not taking any credit without bringing in the entire entourage who has helped me in my work as President,” wika ni Duterte sa isang prerecorded public address.
Sinabi niya na siya ay “masuwerte” na magkaroon ng isang “magandang koponan” na nakatuon sa kanilang mga trabaho, kahit na ang Pilipinas ay kulang sa mapagkukunan sa simula ng pandemya at umaasa sa ibang mga bansa para sa tulong.
“Ako, I do not think that I deserve that popularity. I would rather share it with all of the department secretaries and the directors doing the job promptly and as fast and the number one exhibit thanks to Secretary Dizon, Secretary Galvez, Secretary Año, Secretary Lorenzana. Nakikita mo ang resulta ng trabaho. And to think that we had nothing at the start,” dagdag niya.





