
MANILA – Mahigit 24,000 barangay sa buong bansa ang nalinis na sa ilegal na droga mula nang magsimula ang pagsugpo sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte noong 2016.
Batay sa pinakahuling datos ng Real Numbers na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Martes, umabot sa 24,253 ang bilang ng mga barangay na idineklarang drug-free simula noong Disyembre 31, 2021 habang may kabuuang 11,175 barangay ang hindi pa nalilinis sa ilegal droga.
Nauna nang sinabi ng tagapagsalita ng PDEA na si Derrick Carreon na bago ideklara na ang isang barangay ay walang anumang aktibidad ng ilegal na droga, dapat munang i-validate ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs na wala ng supply ng droga, ang kawalan ng drug transit activity, clandestine drug laboratory chemical warehouse, marijuana cultivation site, drug den, drug pushers at gumagamit sa lugar.
Binaklas din ng mga awtoridad ang kabuuang 993 drug dens at 18 clandestine shabu laboratories mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2021.
Nasamsam ang iba’t ibang uri ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng PHP75 bilyon at kabilang sa halagang ito ang PHP63 bilyong halaga ng shabu.
May kabuuang 14,240 high-value target sa buong bansa ang naaresto mula nang ilunsad ang anti-illegal drugs campaign noong Hulyo 1, 2016.
Naaresto rin ng mga awtoridad ang 323,579 katao na sangkot sa ilegal na droga.
Batay sa pinagsama-samang mga ulat noong Disyembre 31, mayroong 6,225 drug suspects ang namatay sa 224,215 anti-illegal drug operations.
Mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2021, inaresto rin ng mga awtoridad ang 4,110 menor de edad.
Ang mga nasagip na menor de edad na ito ay ibabalik pagkatapos ng paglilitis sa korte sa Bahay Pag-asa centers ng mga LGU sa loob ng walong oras ng kustodiya ng pulisya, bago sila i-turn over sa Department of Social Welfare and Development.





