‘No vax, no ride’ sa NCR, magdedepende sa susunod na alert level

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Ang sinuspinde na “no vaccine, no ride” policy sa pampublikong transportasyon ay muling ipapatupad sa National Capital Region (NCR) kung mananatili ito sa Alert Level 3 o mas mataas, ipinahayag ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr).

Sa Laging Handa briefing nitong Huwebes, sinabi ni DOTr Undersecretary Artemio Tuazon Jr. na sinuspinde lamang ang patakaran sa loob ng 30 araw o hanggang Pebrero 25.

“Kapag nag-Alert Level 2 tayo, masususpindi na po itong effectivity nitong ‘no vax, no ride’ policy po natin,” isinaad ni Tuazon.

Sa ngayon, sinabi niya na ang Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ay hindi pa nagdedesisyon kung pananatilihin, papaluwagin, o palalakasin ang kasalukuyang mga paghihigpit sa Covid-19 sa NCR.

“May IATF meeting nga po today at sa tingin ko po ay pag-uusapan iyan at ang IATF ang magsasabi kung ito po ay bababa o hindi,” ayon kay Tuazon.

Sa posibilidad ng pagbabalik ng patakaran sa bakuna, hinikayat niya ang publiko na magpabakuna sa loob ng 30-araw na pagsususpinde.

“Itong 30-days na window na binibigay natin ay para lang ho makumpleto na nila o makapagpabakuna na iyong ating mga mamamayan na hindi pa po nakakapagpabakuna,” isinaad ni Tuazon.

Binanggit niya na mananatili ang mga exemption sa patakaran tulad ng mga may patunay ng kanilang medical exemption, mga nagtatrabaho sa mga mahahalagang industriya, at mga inaprubahan ng kanilang barangay na kumuha ng mga kinakailangang produkto at serbisyo.

“Pagkatapos po nitong 30 days na ito ay we will strictly implement the ‘no vax, no ride’ policy na po. But I have to repeat, mayroon po tayong exemptions dito,” wika ni Tuazon.

Nauna rito, sinabi niya na ang polisiya ay maaari ding ipatupad sa labas ng NCR kung ang isang local government unit ay maglalabas ng ordinansa na nagbabawal sa mga hindi nabakunahan sa pampublikong transportasyon.

LATEST

LATEST

TRENDING