
MANILA – Ang national vaccination drive ay naglalayong protektahan ang publiko mula sa Covid-19 at ang paglikha ng mga hadlang laban sa pagtugon sa pandemya ay hindi makakatulong sa anuman.
Noong Lunes, hiniling ni Health Secretary Francisco Duque III sa mga indibidwal o grupo na huwag impluwensyahan ang mga Pilipino laban sa pagpapabakuna.
Binanggit niya ang mga viral video ng mga laban sa patakarang “no vaccination, no ride”, na karamihan ay nagsasabi na hindi sila maaaring pilitin na magpabakuna dahil hindi sila naniniwala na may pakinabang ang mga bakunang ito.
“Huwag na po nating gawing hadlang ang kung anu-ano, para lang huwag maging tagumpay ang ating national vaccination program,” wika ni Duque sa Laging Handa briefing.
Ayon sa kautusan ng Department of Transportation, tanging ang mga ganap na nabakunahan na indibidwal lamang ang pinapayagang sumakay ng pampublikong sasakyan sa National Capital Region (NCR) mula noong Enero 17.
Ang patakaran ay may mga exemptions, tulad ng pagbili ng mga mahahalagang gamit at gamot, pagbabayad ng mga bayarin, pagpunta sa trabaho, o mga may komorbididad ayon sa payo ng mga doktor, dagdag ni Duque.
Binigyang-diin niya na ang pagbabakuna ay mapapakinabangan ng lahat, lalo na sa mga nakakatanda at mga may komorbididad.
“Dahil inangkat na ito ng gobyerno at binayaran ng inyong gobyerno sa mga buwis na tinanggap nito, nakolekta, ay suportahan naman natin para magkaroon ng sapat na proteksiyon ang bawat mamamayan at makabalik na sa normal ang buhay ng ating mga kababayan,” wika ni Duque.
Nitong Linggo, nakapagbigay na ang bansa ng 123,365,808 na dosis ng bakuna mula nang ilunsad ang pagbabakuna noong Marso ng nakaraang taon.
May kabuuang 21,473,675 na dosis ang naibigay sa NCR.





