CHED: Deklarasyon ng ‘academic break’ sa buong bansa, hindi na kailangan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Ipinahayag ni Commission on Higher Education (CHED) Chair J. Prospero de Vera III nitong Huwebes na hindi na kailangang mag-deklara ng nationwide academic break sa gitna ng tumataas na kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa mga mag-aaral sa kolehiyo at mga teaching personnel ng higher education institutions (HEIs).

“Hindi na po kailangan iyan dahil kayang-kaya na ng ating mga pamantasan na gawin iyan on their own,” wika ni de Vera sa Laging Handa public briefing.

May 126 na HEIs, karamihan sa National Capital Region at Region 4-A (Calabarzon), ang nag-anunsyo ng kani-kanilang academic break sa unang linggo ng Enero dahil maraming estudyante at guro ang nagkasakit.

Humigit-kumulang 123 pang HEIs ang inaasahang magdedeklara ng academic break sa pagtatapos ng buwan.

Samantala, ang HEIs sa Region 8 (Eastern Visayas), Region 7 (Central Visayas) at Caraga ay nananatiling sarado para sa bagong semestre dahil ang kanilang mga pasilidad ay nasira nang husto ng Bagyong Odette.

Binanggit ni De Vera na ang kailangan ng HEIs ay isang gabay na makakatulong sa kanila na makita ang takbo at paglawak ng impeksyon sa Covid-19 upang madali silang makapagdesisyon sa pagdedeklara ng academic break sa mga susunod na buwan.

Nagpaplano ang CHED na lumikha ng mga regular na online session kung saan maaaring makipagpulong ang HEIs sa mga eksperto sa kalusugan tungkol dito at makakuha ng tamang data.

“Iyon ang critical, iyong correct information is made available. How they use that information dahil nakapag-practice na ang ating mga pamantasan ng dalawang taon, kaya na nila iyan,” wika ni de Vera.

“Halimbawa, ang Polytechnic University of the Philippines [PUP], ang kanilang paggamit ng option ng limited face-to-face ay next school year na nila gagawin, Sa School Year [SY] 2022-2023 na sila magli-limited face-to-face dahil ang kanilang pinagtutuunan ng panahon ay palakasin at pagandahin iyong kanilang online and offline delivery ng education,” idinagdag niya.

Noong Martes, naglabas ang CHED ng advisory na nagsasabing ang HEIs na matatagpuan sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 ay maaaring magsimula ng limitadong physical classes para sa lahat ng degree program sa Enero 31.

Ang desisyon ay binatikos ng mga netizens dahil patuloy na tumataas ang mga kaso ng Covid-19 sa buong bansa.

Nilinaw ni De Vera na maaaring ipagpaliban ng mga nababahala na HEIs ang pagpapatuloy ng kanilang mga klase depende sa sitwasyon ng Covid-19 sa lugar.

LATEST

LATEST

TRENDING