DILG: IATF-EID tatalakayin ang posibleng Alert Level 4 sa NCR

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Tatalakayin sa mga susunod na pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang rekomendasyon na ilagay ang National Capital Region (NCR) sa mas mahigpit na Alert Level 4 status, ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.

Ito ay nang ipahayag ng OCTA Research Group noong Linggo na ang positivity rate sa Metro Manila ay lumampas sa 50 porsiyento sa unang pagkakataon – 50.5 porsiyento noong Enero 7, 2022.

This (Alert Level 4) will be discussed in the next IATF meeting,’’ sinabi ni Año sa isang text message noong Linggo.

Nasa ilalim ng Alert Level 3 ang Metro Manila at apat na kalapit na lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.

Sinabi ng OCTA na naitala ng NCR ang pinakamaraming kaso ng Covid-19 sa bansa mula Enero 2 hanggang 8 sa 8,468 na sinundan ng Bacoor City na may 218, Antipolo na may 211, Cainta na may 202, at Dasmariñas na may 152.

Noong Linggo, iniulat ng Department of Health (DOH) ang 28,707 bagong impeksyon sa Covid-19, ang pinakamataas na single-day tally mula noong nagsimula ang pandemya noong Marso 2020.

May 16,803 o 59 porsiyento ng mga bagong impeksyon ang naitala sa NCR, na dahilan sa pagtaas ng aktibong kaso ng bansa sa 128,114, at kabuuang caseload sa 2,965,447.

Inulit ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang panawagan sa publiko na mahigpit na sundin ang mga health protocols.

We have seen photos of people standing in long queues outside the movie houses. Cinemas may have reopened in some areas with lower Covid Alert Level status, but this doesn’t mean that the minimum public health standard must be disregarded,” sinabi ni PNP Chief General Dionardo Carlos sa isang pahayag.

Hinikayat din niya ang mga establisyimento na pinapayagang mag-operate ng mga local government units na mahigpit na ipatupad ang health protocols.

We remain committed to assisting in the implementation of the protocol especially when the situation may be overwhelming already,” aniya.

Inaasahan ni Carlos ang mga hakbang tulad ng pagbabawal sa pagkain at inumin, pagsusuot ng face mask at pagsunod sa physical distancing sa loob ng mga movie house.

Samantala, nilinaw naman ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na hindi mandatory ang paggamit ng face shield sa lungsod.

“Dahil ito nga ay optional, walang kaakibat na penalty o multa ang hindi pagsusuot ng face shield. Kundi ito ay bahagi lamang ng ibayong pag-iingat o added precaution sa crowded o congested areas,” sinabi ni Teodoro sa isang mensahe sa mga mamamahayag.

Nagbabala si DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya na maaaring kasuhan ang mga barangay officials kung mapatunayang ang pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa kanilang nasasakupan ay dahil sa hindi maayos na pagpapatupad ng minimum public health standards (MPHS), partikular na ang walang tigil na outdoor activities ng kanilang mga hindi nabakunahang residente.

“Madami pong mga pwedeng ifile sa kanila [barangay captains] for dereliction of duty, simple misconduct, negligence, madami pong pwede tayo, so alam naman yan ng kapitan,’’ wika ni Malaya sa isang panayam sa radyo.

Nauna nang inaprubahan ng mga mayor ng Metro Manila ang mga ordinansa na naghihigpit sa mobility ng mga hindi nabakunahan at bahagyang nabakunahan, partikular sa indoor at al fresco dining, hotel, country club, at mga katulad na establisyimento.

Maraming mga business leader, medical groups, at organisasyon ang nagsusulong na ipatupad ang mga paghihigpit sa buong bansa sa gitna ng pagtaas ng mga impeksyon at banta ng Omicron coronavirus variant.

LATEST

LATEST

TRENDING