
MANILA – Sa kabila ng mga pag-aaral na nagpapakita na ang Omicron variant ay isang “milder strain” ng Covid-19, pinaalalahanan ng Malacañang ang publiko nitong Lunes na huwag maging kampante dahil ang iba pang mas nakamamatay na variant ng coronavirus, tulad ng Delta, ay patuloy na umiiral.
Ito ang pahayag ni acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles matapos makapagtala ang Pilipinas ng 4,600 bagong kaso ng Covid-19 noong Linggo — ang pinakamataas na naitala sa loob ng dalawang buwan.
Nauna nang itinaas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang alert level status sa Metro Manila sa Alert Level 3 hanggang Enero 15 sa gitna ng pagtaas ng kaso ng Covid-19 at ang pagtuklas ng 14 na local Omicron cases.
“We’re focusing so much on Omicron, we’re forgetting that Delta is still around. Right now, nagspe-speculate tayo na ‘Omicron na siguro ‘to, ang taas ang bilang’. We have to remember Delta is still around so don’t forget, don’t say ‘Ah, Omicron okay lang ‘yan kasi Omicron sabi nila is milder,’” aniya sa isang panayam sa ABS-CBN News Channel’s Headstart.
Sa pagbanggit ng datos mula sa Department of Health (DOH), sinabi niya na ang mga kaso ng Covid-19 ay tumaas sa kalagitnaan ng Disyembre.
“We’re seeing that many of the symptoms’ onset actually came about mga Dec. 20, 21, 22, 23, 24,25, 26…DOH is saying that Dec. 20 onwards, dito na nagkaroon ng pagtaas. Exposure should have happened earlier — five to seven days before,” aniya.
Hinikayat ni Nograles ang publiko na “muling pag-aralan” ang mga paghihigpit sa ilalim ng Alert Level 3 matapos masanay sa mas maluwag na mga protocol sa ilalim ng status ng Alert Level 2.
Binigyang-diin niya ang pangangailangang sumunod sa Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) strategy ng gobyerno.
“Ang panawagan namin sa lahat is when you feel something is not right, huwag ka nang lumabas, isolate ka na, treat it as if you have Covid…Let’s try to protect everybody in our families, in our communities, in our workplaces,” wika niya.
Hinikayat din niya ang publiko na sumailalim sa reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) testing sa sandaling magsimula silang makaranas ng mga sintomas ng Covid-19.
Samantala, sinabi ni Nograles na ang IATF ay kasalukuyang nasa proseso ng pagtukoy kung may mga “adjustments” na gagawin sa kasalukuyang Alert Level 3 restrictions sa gitna ng pagtaas ng mga pagbabakuna sa Covid-19.
“May meeting kami ng IATF tomorrow. But for today, January 3 being Day 1 ng Alert Level 3 natin. Let’s all, as much as possible, take very high, extra precautions,” aniya.





