
MANILA – Inulit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang panawagan na ibigay ang mga hindi nagagamit na lupang pag-aari ng gobyerno sa mga mahihirap, kabilang ang mga nawalan ng tirahan dahil sa Bagyong Odette.
Inatasan ni Duterte ang Department of Agrarian Reform (DAR) na tiyaking maipapamahagi ang mga hindi ginagamit na lupain ng gobyerno sa loob ng mga susunod na buwan.
“Kung mag-rehabilitate kayo ng isang community and you would want to look for the space if it’s government land, Ibigay na ninyo lahat. Those idle government land, better give it to the people right away,” aniya.
“Lahat ng lupa na puwedeng ibigay sa tao, whether they were victims of the typhoon or not, ibigay na lang yung kaya ibigay,” idinagdag niya.
Ayon kay Duterte, karamihan sa mga naapektuhan ng bagyo ay “marginalized” at “maralita” at walang ibang mapupuntahan.
“Bilisan na ninyo nang konti,” wika niya.
Pinuri rin niya si dating DAR Secretary John Castriciones para sa kanyang mga kontribusyon sa pangunguna sa pamamahagi ng mas maraming Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) sa mga nararapat na aplikante.
“Castriociones made a good, for the time when he was with the Cabinet, he made a significant act of giving so many lands,” aniya.
Nagbitiw si Castriciones sa kanyang puwesto noong Oktubre para tumakbong senador sa May 2022 elections.
Tatakbo sana siya sa Senado noong 2019 midterm elections pero nagpasya siyang manatili bilang DAR chief.
‘Mga kapintasan sa batas’
Samantala, muling iginiit ni Duterte na dapat ipawalang-bisa ang batas na nag-aatas sa pagtatasa ng mga ulat sa mga lugar ng sakuna bago magdeklara ng state of calamity.
“The law on the proclamation of calamities should not be dependent on the assessment of damage because that exercise should come days after the catastrophic event,” aniya.
“The period of assessment comes very much later. ‘Yan ang tingin kong the flaw of the law,” idinagdag niya.
Maaaring tinutukoy ni Duterte ang Republic Act No. (RA) 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Nauna niyang inilarawan ang paghihintay sa pagtatasa ng mga ulat bilang isang “hadlang” at “legal na balakid” na nagpaantala sa kanyang pagdeklara ng state of calamity sa mga lugar na hinagupit ng bagyo at pumigil sa gobyerno sa agarang pagkilos.
“It behooves upon this Congress, if they want to, for the next President, may I advise, try to repeal the law so that government, there is already the warning, hindi na kailangan ng assessment because the warning just too far away for us to prepare,” aniya sa isang pampublikong pahayag na ipinalabas noong Lunes ng gabi.
Ang mga kamakailang ulat mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay nagpakita na ang Bagyong Odette ay nagdulot ng mahigit PHP28 milyong halaga ng pinsala sa 506,404 na bahay; mahigit PHP16 bilyon ang halaga ng pinsala sa 276 na imprastraktura, at mahigit PHP5 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura.
Mahigit 300 lungsod at munisipalidad sa Visayas at Mindanao ang isinailalim sa state of calamity.





