
MANILA – Inihayag ng isang opisyal ng National Task Force (NTF) laban sa Covid-19 nitong Linggo na ang bilang ng mga dosis ng bakuna sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) na naihatid sa bansa ay lumampas na sa 200 milyon.
Kasama sa bilang ang nakuhang pribadong sektor na 1,957,000 na dosis ng bakunang AstraZeneca na dumating 7:30 p.m. Linggo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
“Kinagagalak ko ibalita sa ating mga kababayan, another milestone natin, 200,885,005 doses ang natanggap natin mga bakuna sa atin bansa muli itong pinapakita natin ang ating pamahahalaan ating commitment sa ating ating mga kababayan para labanan ang Covid-19 pandemic,” pahayag ni NTF strategic communications on current operations head, Assistant Secretary Wilben Mayor sa mga mamahayag.
Sinabi rin ni Mayor na may kabuuang 47,128,197 milyong Pilipino, na kumakatawan sa 61.10 porsyento ng target na populasyon at 42.77 porsyento ng kabuuang populasyon ng bansa ang ganap na nabakunahan.
Dahil sa mga umuusbong na banta sa kalusugan na dulot ng Omicron variant, pinayuhan ni Mayor ang lahat ng hindi pa nabakunahan na Pilipino na magpabakuna laban sa Covid-19 sa lalong madaling panahon.
Idinagdag niya na higit sa 20 milyong mga dosis ng bakuna laban sa Covid-19 ay available sa mga stockpile ng gobyerno at sapat ito para sa mga nais magpabakuna.
Upang maabot ang target na 54 milyon at makamit ang proteksyon ng populasyon ngayong taon, kailangan pa ring ganap na mabakunahan ng Pilipinas ang 7 milyong Pilipino sa pagtatapos ng buwan.
Batay sa datos mula sa national Covid-19 vaccination dashboard, ang Pilipinas, noong Disyembre 25, ay nakapagbigay na ng kabuuang 105,329,784 dosis ng mga bakuna sa buong bansa, kung saan 47,109,449 Pilipino ang ganap na ngayong protektado at 1,365,827 iba pa ang nakatanggap ng kanilang mga booster shot.
Dahil sa pananalasa ng Bagyong Odette, ang average daily Covid-19 vaccination rate ng bansa ay bumaba sa 675,567 na dosis.





