Karagdagang P10-B para sa mga lugar na apektado ng Odette, ipinangako ni Duterte

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na makalikom ng karagdagang PHP10 bilyon para sa mga lalawigang lubhang naapektuhan ng Bagyong Odette.

Kinumpirma ito ni Acting Presidential Spokesperson, Cabinet Secretary Karlo Nograles nitong Martes matapos bisitahin ni Duterte noong Lunes ang mga nasalanta ng bagyo sa Kabankalan City, Negros Occidental.

President Duterte also vowed to raise additional funds, estimated at PHP10 billion, for the rehabilitation and recovery efforts in the typhoon-affected areas,” sinabi ni Nograles sa isang pahayag ng Palasyo.

Nauna nang naglaan si Duterte ng PHP2 bilyon para sa mga lalawigang tinamaan ng Odette sa kanyang pagbisita sa Leyte at isa pang PHP2 bilyon matapos ang kanyang pagbisita sa Cebu at Bohol.

Sa isang situation briefing sa Kabankalan City, nagbigay si Duterte ng patnubay at nagbigay ng ilang direktiba sa mga pambansang ahensya upang tugunan ang mga agarang alalahanin ng mga lokal na pamahalaan ng Negros Occidental at Negros Oriental.

Inatasan niya ang Department of Social Welfare and Development na patuloy na magbigay ng family food packs, tubig, at tirahan para sa mga pamilyang may nasirang bahay.

Ang tulong sa pabahay ay ibibigay ng Department of Human Settlements and Urban Development at ng National Housing Authority sa mga biktima na ang mga tahanan ay bahagya at ganap na nasira, aniya.

Inatasan ang Department of Trade and Industry na tingnan at subaybayan ang mga ulat ng pagtaas ng presyo, kabilang ang mga generator, na iniulat na ibinebenta sa doble ng kanilang karaniwang presyo.

Dagdag pa niya, magbibigay ang Department of Agriculture ng agricultural assistance sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.

Inatasan ang Department of Public Works and Highways na tanggalin ang mga bunot na puno sa kahabaan ng mga kalsada at highway at i-turn over ang mga trosong ito sa mga local government units para magamit bilang mga materyales sa pagtatayo ng pabahay, gayundin ang pagbibigay ng kinakailangang tulong para sa dredging sa ilog sa sandaling magkaroon ng pondo na magagamit.

Kasunod ng direktiba ni Duterte, ang Department of Energy ay magta-trabaho nang double time para maibalik ang suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar sa lalong madaling panahon.

Inutusan niya ang Department of Information and Communications Technology na magtrabaho din ng double time para maibalik ang telecommunication networks at internet connectivity sa mga apektadong rehiyon.

Gayundin, ipinag-utos ni Duterte na matapos ang Kabankalan airstrip sa lalong madaling panahon.

Samantala, sinabi ni Nograles na ang Palasyo ay nagpaabot ng saloobin at panalangin sa lahat ng pamilyang naapektuhan ng bagyo.

Pinasalamatan din niya ang mga Pilipino sa pagtulong sa kapwa sa panahong ito ng matinding pangangailangan, gayundin ang mga kaibigan sa internasyonal na komunidad at mga katuwang sa kanilang pagpapakita ng suporta, pakikiisa, at kahandaang magbigay ng tulong sa Pilipinas.

LATEST

LATEST

TRENDING