
MANILA – Pinaalalahanan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo ang kanilang mga tauhan na mahigpit na sumunod sa mga probisyon ng “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees” na binigyang diin ng Civil Service Commission, lalo na sa panahon ng Pasko.
Nangako si PNP chief Gen. Dionardo Carlos ng mas mahigpit na parusa laban sa mga operatiba ng pulisya na makikitang sangkot sa mga iligal na aktibidad.
“We can’t tolerate any form of bribe in the organization. The PNP has been living up to its core values to protect its integrity. We want to keep it that way,” wika ni Carlos sa isang pahayag noong Linggo alinsunod sa “no-take policy” ng organisasyon.
Binanggit niya ang Section 7 ng Republic Act 6713 na nagsasaad, “Public officials and employees shall not solicit or accept, directly or indirectly, any gift, gratuity, favor, entertainment, loan or anything of monetary value from any person in the course of their official duties or in connection with any operation being regulated by, or any transaction which may be affected by the functions of their office“.
Nilinaw ni Carlos na pinapayagan ang mga simpleng regalo tulad ng food packs na ibinibigay sa sinumang tauhan ng pulisya bilang pasasalamat sa kanilang serbisyo, ngunit mahigpit na ipinagbabawal ang pagtanggap ng mga mamahaling regalo na pabor sa nagbigay.
Pinaalalahanan niya ang lahat ng mga opisyal at tauhan ng PNP sa kahalagahan ng pangangalaga sa kanilang dignidad bilang mga alagad ng batas at mga lingkod-bayan na inaatasan na pagsilbihan at protektahan ang mga tao at komunidad.
Pinapanatili ng PNP ang E-Sumbong platform kung saan ang publiko ay maaaring magsampa ng kanilang mga reklamo sa pamamagitan ng mga hotline number na 0917-847-5757 at 0919-160-1752.





