Palasyo: Ang alok ni Isko ay patunay na maraming nagawa si Duterte

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

MANILA – Ang alok ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na kunin si Pangulong Rodrigo Duterte bilang ikaapat na kandidato ng kanyang partido para sa Senado ay patunay ng maraming mga nagawa ang pangulo, ipinahayag ng Malacañang nitong Martes.

Sinabi ito ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles matapos sabihin ni Domagoso na naniniwala siyang kuwalipikadong kandidato si Duterte para sa posisyon at handa rin siyang tanggapin siya bilang ikaapat na senatorial candidate ng kanyang Aksyon Demokratiko Party.

“Ito po’y patunay sa maraming nagawa si Pangulong Duterte sa kanyang panunungkulan at sa marami niyang ginagawa at gagawin pa. At patunay ito sa kumpiyansa ng marami sa ating mga kababayan sa kanya na pag binigyan po siya nag pagkakataon na makapagpatuloy ng kanyang serbisyo sa Senado, ay maipagpatuloy niya ang lahat ng mga ito,” isinaad niya sa isang Palace press briefing.

Gayunpaman, tumanggi si Nograles na kumpirmahin kung tatanggapin ni Duterte ang alok ni Domagoso.

“Ayaw ko rin pong pangunahan kung ano ang mangyayari sa susunod na araw at sa susunod na buwan. At ayaw ko rin pangunahan ano magiging desisyon ng iba’t-ibang mga kandidato na tumatakbo at iba’t-ibang mga partido na nais pang mag-endorse kay Pangulong Duterte,” aniya.

Inaalam pa kung ang isang partido ay magpapatibay kay Duterte o bubuo ng isang alyansa, ayon kay Nograles.

Naghain si Duterte ng kanyang kandidatura sa pagka-senador sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), isang kaalyadong partido ng naghaharing Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-Laban).

“Siyempre, si Pangulong Duterte ay tumatakbo sa partido ng PDDS at sinusuporthan din po siya ng PDP-Laban. Kung mayroon mang mangyayari pagkatapos nito na mga pag-adopt o di kaya magkaroon ng alliances, ayoko po pangunahan kung anong mangyayari sa mga susunod pang mga araw, linggo, at maging sa susunod na buwan,” giit ni Nograles.

Sa panayam ng mga mamamahayag sa Lapu-Lapu City, Cebu, sinabi ni Domagoso na iboboto niya si Duterte bilang senador dahil sa kanyang maraming mga nagawa.

I’m going to vote for him personally, I’m going to endorse him kung papayag siya, I’ll be honored. I’ll be humbled and honored na umoo si Pangulong Duterte. Nakuha ko nga siyang iboto, hindi ko pa ba makuhang siya’y i-adopt,” wika ni Domagoso.

Aniya, ito ay isang “karangalan” kung tatanggapin ni Duterte ang kanyang imbitasyon para maging isang adopted senatorial candidate ng kanyang partido ngunit binanggit na ang Pangulo ay malayang magdesisyon kung tatanggapin niya ito o hindi.

Let’s give credit where credit is due. President Duterte has so many accomplishments. And I believe that he can be an effective senator since through legislation, he can ensure that his legacy will [be] institutionalized,” idinagdag niya.

LATEST

LATEST