
MANILA – Ipinahayag ng Malacañang noong Martes na “ipapatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga batas nang naaayon” sa gitna ng mga isyung bumabagabag sa kanyang spiritual adviser, ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder na si Pastor Apollo Quiboloy.
Tiniyak ito ni Cabinet Secretary at Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles matapos tanungin kung patuloy na susuportahan ni Duterte si Quiboloy sa gitna ng mga kasong sex trafficking na ibinabato laban sa pinuno ng KOJC.
Tinanong din si Nograles kung papayagan ni Duterte ang extradition ni Quiboloy sa United States (US) kung hihilingin.
“As a lawyer and as a former prosecutor, and the chief executive of the country, he will execute the laws accordingly,” sinabi ni Nograles sa isang press briefing ng Palasyo.
Nauna nang sinabi ni Nograles na nasa kay Duterte kung pananatilihin niya si Quiboloy bilang kanyang spiritual adviser.
“Again, we’ll wait for the President’s statement regarding that kasi bago pa lang itong development na ito. Hayaan na lang po natin na magsalita si Pangulo tungkol po diyan,” aniya sa isang briefing noong Nob. 19.
Noong Biyernes, sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na hindi bibigyan ng special treatment si Quiboloy.
“The DOJ, through the IACAT (Inter-Agency Council Against Trafficking), will perform its mandate under the law, regardless of the persons involved,” wika ni Guevarra.
Noong nakaraang linggo, kinasuhan ng US Department of Justice si Quiboloy dahil sa diumano’y pagpilit sa mga babae na makipagtalik sa kanya sa ilalim ng banta ng “eternal damnation”.
Ang bagong akusasyon ay kinasuhan si Quiboloy at ang dalawa pang matataas na opisyal ng simbahan – sina Teresita Dandan at Felina Salina – na nakikilahok sa isang pagsasabwatan upang makisali sa sex trafficking sa pamamagitan ng puwersa, pandaraya, at pamimilit, gayundin ang sex trafficking ng mga bata.
Bukod sa akusasyon ni Quiboloy sa US, nagsampa rin ng reklamo laban sa kanya noong nakaraang taon sa Davao City Prosecutor’s Office dahil sa umano’y panggagahasa, pang-aabuso sa bata, hindi magandang pagtrato sa ilalim ng Revised Penal Code (RPC), human trafficking sa pamamagitan forced labor, at human trafficking sa pamamagitan ng sekswal na pang-aabuso.
Ibinasura ng tanggapan ng tagausig ang mga kaso, kahit na ang reklamo ay inapela sa Opisina ng DOJ Secretary.





