
MANILA – Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes na tinalikuran niya ang kanyang planong magretiro sa pulitika pagkatapos ng kanyang termino sa Hunyo ng susunod na taon dahil may mga layunin pa siyang gustong makamit.
“There are just things that I have to do before retiring. But not really staying for something na it’s no longer our time,” wika ni Duterte sa isang talumpati sa General Santos City.
Hindi niya idinetalye kung ano ang mga layuning ito ngunit inulit niya na “laging may oras para sa lahat”.
“A time to be great, a time to be small, a time to be a shining star, but a time to fade and just maghanap ka na lang ng kanto kung saan magkakasya. Ganoon ang tingin namin sa buhay namin,” idinagdag niya.
Sinabi ni Duterte na hindi na mahalaga kung maaalala ang kanyang administrasyon sa kanilang mga nagawa dahil trabaho nila ang pagsilbihan ang bansa at mamamayan.
“We do not really care if we are remembered or not. That’s something na irrelevant kasi as I have said trabaho namin ‘yan and we are just doing what we are supposed to do,” aniya.
Idineklara ni Duterte ang kanyang pagreretiro sa pulitika noong Oktubre 2.
Gayunpaman, ikinagulat ng marami nang maghain siya ng kanyang kandidatura sa pagka-senador sa pamamagitan ng isang kinatawan sa 2022 elections.
Ang kanyang certificate of candidacy ay inihain ni representative Melchor Aranas noong huling araw ng paghahain ng statements of withdrawal and substitution sa Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila noong Nobyembre 15.
Pinalitan niya si Mona Liza Visorde, na nag-withdraw ng certificate of candidacy sa pagka-senador.
Si Duterte ay tatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), isang kaalyadong partido ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Nauna nang binalak ng PDP-Laban na ilagay si Duterte bilang bise presidente kasama ang kanyang long-time aide na si Senator Christopher “Bong” Go bilang presidente.
Kalaunan ay binawi niya ang kanyang vice presidential bid bilang pagsasaalang-alang sa damdamin ng publiko na ang kanyang hangarin na tumakbo sa pangalawang nangungunang posisyon ay lumalabag sa Konstitusyon.
Ang tinutukoy niya ay ang Hunyo 23 hanggang 26 na survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), na nagpakita na 60 porsiyento ng 1,200 Pilipino ang naniniwala na ang kanyang pagtakbo bilang bise-presidente ay maaaring lumabag sa intensiyon ng Konstitusyon, “na dapat munang amyendahan bago siya muling tumakbo sa pwesto.”





