
MANILA – Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Dionardo Carlos, ang Drug Enforcement Group (DEG) na tingnan ang alegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong kandidato sa pagkapangulo na gumagamit ng cocaine.
Ito ay matapos sabihin ng Palasyo, sa pamamagitan ni acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, na ipinauubaya na nito sa mga law enforcement agencies ang kapalaran ng umano’y gumagamit ng ilegal na droga.
“PDEG has been tasked to work on this info,” wika ni Carlos sa media sa pamamagitan ng text message noong Sabado.
“Kapag may mga pumapasok na mga relevant information sa amin, definitely we will conduct an investigation. As of this time, we are trying to get additional information on that matter,” aniya.
Bagama’t hindi requirement ng Commission on Elections, pinayuhan ni Carlos ang lahat ng kandidato na sumailalim sa drug test.
“The PNP acknowledges that no law mandates the candidate to undergo a drug test but doing so will set an example to their countrymen by proving that they aren’t users of illegal drugs,” giit ni Carlos.
Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Nobyembre 18 na ang isa sa mga kandidato sa pagkapangulo ay gumagamit ng cocaine, nang hindi binanggit ang mga pangalan.
Ang paunang fact-finding ng PNP ay bunsod ng pahayag ng Pangulo, ayon kay Carlos, at ang progreso ay nakasalalay sa kasapatan ng ebidensya.





