
MANILA – Patuloy na ipagtatanggol ng administrasyong Duterte ang soberanya at teritoryo ng Pilipinas, sinabi ng Malacañang nitong Huwebes.
“As we have in the past, we will continue to assert our sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction over our territory,” ani acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles sa isang pahayag.
Ipinahayag ito ni Nograles matapos iulat ng Western Command na tatlong barko ng Chinese Coast Guard ang nakaharang sa dalawang Philippine supply boat sa isang resupply mission sa mga tauhan ng militar sakay ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Walang nasaktan ngunit kinailangang i-abort ng mga barko ng Pilipinas ang kanilang resupply mission. Pinuri ni Nograles ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mabilis na pagkilos nito sa mga insidente sa Ayungin Shoal.
“The Department of Foreign Affairs has acted swiftly and has condemned the incident involving the Chinese Coast Guard,” wika niya.
Sa isang hiwalay na pahayag, ipinarating ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. kay Chinese President Xi Jinping ang pagkagalit, pagkondena, at protesta ng Pilipinas sa insidente.
Sinabi ni Locsin na ang mga kilos ng Chinese Coast Guard ay “ilegal” at “nagbabanta sa espesyal na kaugnayan” sa pagitan ng Pilipinas at China.
“China has no law enforcement rights in and around these areas. They must take heed and back off,” aniya. “The Philippines will continue to provide supplies to our troops in Ayungin Shoal (Second Thomas Shoal). We do not ask permission to do what we need to do in our territory.”
Ang Ayungin Shoal, na bahagi ng Kalayaan Island Group (KIG), ay isang mahalagang bahagi ng Pilipinas, gayundin ang exclusive economic zone at continental shelf ng bansa.
Kaya naman, ang Pilipinas ay may karapatan sa soberanya at hurisdiksyon sa Ayungin Shoal.





