
MANILA – Inihayag ng Malacañang nitong Huwebes na ang dating pinuno ng Davao City Information Office (CIO), na kinaladkad sa drug raid noong Nobyembre 6 sa isang beach resort sa Davao de Oro, ay hindi nakatanggap ng anumang special treatment mula sa gobyerno.
Sa isang online press briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na walang basehan ang pag-aangkin na binigyan ng gobyerno si Jefry Tupas, sinibak na information officer ni Davao City Mayor Sara Duterte, ng preferential treatment matapos payagang umalis pagkatapos ng raid.
Isinaad ni Roque na hindi “key personality” si Tupas sa isinagawang anti-drug operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
“No basis po kasi hindi nga po kasama talaga si Mr. Tupas doon sa raid na iyan,” aniya, nang tanungin ng reaksyon sa mga sinasabing nakatanggap ng espesyal na pagtrato si Tupas matapos umano siyang pakawalan ng PDEA.
Sinabi ni Roque na nilinaw na ng PDEA na walang search warrant o arrest warrant na inilabas para kay Tupas.
“Correction lang po. Nagkumpirma po ang PDEA na ‘yung dating information officer ni Mayor Sara ay hindi po kasama doon sa search warrant o di kaya ay sa arrest warrant na in-issue para po dito sa buy-bust operation na ito,” wika niya.
Hindi bababa sa 17 party-goers ang arestado nang magsagawa ng buy-bust operation ang PDEA-11, kasama ang National Bureau of Investigation at Mabini Municipal Police Station, sa isang beach resort sa Pinsdasan village sa Mabini, Davao de Oro noong Nobyembre 6.
Nasa P1.5 milyong halaga ng party drugs ang nasamsam sa raid.
Kinumpirma ni Sara nitong Martes na sinibak niya si Tupas kasunod ng pagkakasangkot nito sa buy-bust operation.
Bago ang pahayag ni Sara, nilinaw ni Tupas ang mga alegasyon tungkol sa kanyang presensya sa beach party, sinabing inimbitahan siya bilang bisita at umalis sa vent “pagkatapos ng hapunan kasama ang kasintahan at isa pang kaibigan”.
Noong Miyerkules, itinanggi ni PDEA-11 regional director Aileen Lovitos na may “cover-up” sa drug raid.
Sinabi ni Lovitos na hindi kasama si Tupas sa listahan ng mga personalidad na huhulihin, ngunit iginiit na iimbestigahan din ang dating Davao CIO.





