
MANILA – Inaasahang maglalabas ang Malacañang ng executive order na magdedeklara sa Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1 bilang National Covid-19 Vaccination Days, inihayag ng National Task Force (NTF) Against Covid-19 nitong Huwebes.
Ayon kay NTF medical consultant Dr. Maria Paz Corrales, ang inisyatiba ay tinatawag na “Bayanihan Bakunahan”, na naglalayong mabakunahan ang 15 milyong indibidwal sa loob ng tatlong araw.
“In the coming days, an executive order from Malacañang declaring the days of November 29 and 30 and December 1 as ‘National Covid-19 Vaccination Days’ will be released,” wika ni Corrales sa pagdating ng tatlong milyong Sinovac Covid-19 vaccine na binili ng gobyerno sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 sa Pasay City.
Ipianahayag ni Corrales na naghahanda na ang Department of Health (DOH) ng mga alituntunin para sa pagdaraos ng National Covid-19 Vaccination Days.
Sinabi niya na ang pambansang pamahalaan ay nakipag-ugnayan sa mga local government units, medical community, religious groups, at pribadong sektor para lumahok sa malawakang gawain.
Isinaad ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pinag-aaralan ng Office of the President ang panukala na ideklara ang tatlong araw na national vaccination drives bilang regular holidays para bigyang-daan ang mas maraming Pilipino na mabakunahan laban sa Covid-19.
“Inaasikaso po kung ano ang magiging desisyon ng Office of the President ukol diyan. Mag-aanunsiyo po tayo,” wika ni Roque sa isang virtual press briefing noong Huwebes.
Sinabi ni Corrales na patuloy na palalakasin ng gobyerno ang kanilang programa sa pagbabakuna upang makamit ang layunin nitong mabakunahan ang hindi bababa sa 54 milyong Pilipino bago matapos ang Disyembre.
Nitong Huwebes, ang Pilipinas ay nakatanggap ng kabuuang 121,979,340 dosis ng Covid-19 mula sa iba’t ibang manufacturer.
Ang bansa ay nakapagbigay ng kabuuang 66,816,976 dosis ng mga bakuna laban sa coronavirus kung saan 30,478,899 na Pilipino ang ganap na nabakunahan.





