
MANILA – Nakatakdang magdaos ang gobyerno ng tatlong araw na national Covid-19 vaccination drive mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang “Talk to the People” nitong Martes.
Ang malawakang pagbabakuna ay kasabay din ng paggunita sa buhay ng pambansang bayani na si Andrés Bonifacio ngayong Nobyembre 30.
“In this, we want to convey a message that every Filipino who get vaccinated–are heroes,” wika ni Duterte.
Nauna nang sinabi ni National Task Force (NTF) against Covid-19 chief implementer, Sec. Carlito Galvez Jr., na target ng tatlong araw na programa ng pagbabakuna na taasan ang average daily vaccination rate ng bansa na hindi bababa sa 1 milyong dosis upang makamit ang proteksyon ng populasyon.
Binanggit ni Galvez na gagawin ng gobyerno ang pagbabakuna “sa pamamagitan ng pagpapakilos sa mga NGO (non-government organizations), ahensya ng gobyerno, pribadong sektor, at mga boluntaryo” sa pakikipagtulungan sa Philippine Medical Association at mga kaugnay nitong medical groups sa loob ng Rotary Club.
Idinagdag niya na ang inisyatiba ay naglalayong pabilisin at palawakin ang programa ng pagbabakuna sa bansa, kung saan ang ilang mga paaralan ay gagawing mga lugar ng pagbabakuna para sa kaganapan, na inihahalintulad ito sa pagdaraos ng halalan.





