
MANILA – Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na may karapatan ang mga employer na tumangging kumuha ng mga hindi pa nabakunahang aplikante sa gitna ng umiiral na Covid-19 pandemic.
“I think it’s legal for the employers not to accept people who are not vaccinated. Tama sila. I agree with them,” sinabi ni Duterte sa kanyang lingguhang Talk to the People na ipinalabas noong Martes.
Ayon kay Duterte, ang mga employer ay “pinoprotektahan lamang ang kanilang mga negosyo at ibang tao” laban sa banta ng kinatatakutang virus.
“What could be the legal argument against it?” sabi ni Duterte, isang abogado at dating piskal.
Samantala, sinabi ni Duterte na inatasan niya ang National Task Force (NTF) laban sa Covid-19 at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na mas pabilisin ang programa ng pagbabakuna at “gumawa ng mga kinakailangang aksyon upang makamit ang proteksyon ng populasyon bago matapos ang taon”.
Pagkatapos ay hinimok niya ang higit pang mga Pilipino na samantalahin ang pagkakataon na maprotektahan mula sa sakit.
Sinabi ni Duterte na ang mga bakuna ay makatutulong na mabawasan ang matinding epekto ng impeksyon sa Covid-19.
Pinuri rin niya ang matagumpay na pagpapatupad ng pagbabakuna sa bata.
“This will not only protect millions of children but hopefully help convince their parents and grandparents to have the vaccination if they’re not yet inoculated,” aniya, na muling iginiit na “hindi maaaring mawala ang focus ng gobyerno lalo na ngayong bumaba na ang mga kaso ng Covid-19.“
Idinagdag niya na ang pagbaba ng mga kaso ay isang magandang dahilan upang higit pang palawakin ang pagbabakuna sa bansa upang maiwasan ang isa pang surge.
Sa ngayon, ang Pilipinas ay nakapagbigay na ng kabuuang 64,947,366 na dosis, kung saan 29,809,085 katao ang ganap na nabakunahan.





