GSIS mobile app, available na

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Madali nang masuri ng mga empleyado ng gobyerno at mga retirado ang kanilang impormasyon sa Government Service Insurance System (GSIS) sa pamamagitan ng mobile app ng ahensya, ang GSIS Touch.

Sa Laging Handa briefing na ipinalabas sa PTV-4 noong Lunes, ipinahayag ng GSIS executive vice president for support services Dionisio Ebdane Jr. na ang app ay magbibigay-daan sa mga miyembro at pensioner na suriin ang kanilang impormasyon sa pagiging miyembro, pati na rin ang mga detalye tungkol sa kanilang mga pautang, benepisyo, pensiyon, at mga produkto at serbisyo ng ahensya. 

Sinabi ni Ebdane na ang mga miyembro ay maaari ring mag-aplay para sa mga pautang sa pamamagitan ng app. 

Napakahalaga po ito, (Presidential Communications Operations Office) Undersecretary Rocky (Ignacio), kasi bago nila ma-avail ang kanilang benepisyo at saka services po sa GSIS na we offer to them, dapat po maayos iyong kanilang record. So, dito pa lang sa kanilang telepono, kitang-kita na nila kung updated ba ang records nila,” aniya.

Idinagdag ni Ebdane na maaari ring gamitin ng mga pensiyonado ang app para i-schedule ang kanilang Annual Pensioners Information Revalidation (APIR). 

Kailangan aniya ng mga miyembro ng GSIS na magkaroon ng rehistradong email address bago nila ma-download ang app sa pamamagitan ng Android o Apple IOS.

Kapag na-download na ang app, sinabi ni Ebdane na kailangang mag-input ng password ang isang miyembro ng GSIS para ganap na ma-access ang app. 

Kung ang mga miyembro ay makaranas ng anumang isyu sa pag-download ng app, maaari nilang tawagan ang 24/7 hotline ng GSIS, 847-47-47, para sa tulong o panoorin ang tutorial na video sa YouTube, dagdag niya.

LATEST

LATEST

TRENDING