
MANILA – Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire noong Biyernes na ang bilang ng mga aktibong kaso ng coronavirus sa Pilipinas ay nasa “manageable” na antas na ngayon, na binanggit ang tuluy-tuloy na pagbaba ng mga impeksyon mula noong pagsiklab ng Delta variant.
Gayunpaman, sinabi niya na hindi pa maaaring sabihin na ang mga epekto ng surge ay nawala na.
“We cannot really say that we have already reversed because there are still cases ongoing, there are still areas na may mataas ang kaso (at) mayroon pa ring pagkapuno ng hospital,” sinabi ni Vergeire sa isang virtual briefing.
“Kailangan lahat tayo ay maging maingat muna, kailangan lahat tayo ay ‘di maging complacent at lahat tayo ipagpatuloy natin ang ating mga pagsunod sa ating mga safety protocols para tuloy-tuloy nang bumaba ang mga kaso,” idinagdag niya.
Kinumpirma naman ni Vergeire na hindi artipisyal ang patuloy na pagbaba ng mga impeksyon.
Sa pagbanggit sa pinakahuling datos mula sa ahensya, sinabi ni Vergeire na nasa 493 na ang average na pang-araw-araw na kaso sa Metro Manila, pababa mula sa mahigit 5,000 kaso na naitala araw-araw sa kasagsagan ng Delta surge.
Mula sa pinakamataas na halos 21,000 kaso bawat araw, ang average na bilang ng mga kaso ay bumaba sa 2,888 sa buong bansa.
“Hindi na artificial ito. Nakita natin na talagang bumaba na ang mga kaso, nakita rin natin na kasabay ng pagbaba ng mga kaso ay bumaba na rin ang admission sa mga hospital,” wika niya.
Habang mayroon pa ring mga lugar na may mataas na intensive care unit (ICU) utilization rate, sinabi ni Vergeire na patuloy na bumababa ang bilang ng mga lugar na ito habang lumilipas ang mga linggo.
“We were able to contain itong pagtaas ng kaso na ito, naipababa natin ngayon sa level na manageable na para sa ating lahat,” aniya.
Noong Nobyembre 5, mayroong 37,377 aktibong kaso sa bansa.
Sa kasalukuyan, mayroong 43 porsiyento ng 3,900 ICU bed ang ginagamit, 33 porsiyento ng 20,800 isolation bed, at 27 porsiyento ng 14,100 ward bed na nakalaan para sa mga pasyente ng Covid-19 sa buong bansa.





