Duterte, wala pang ‘pinal’ na desisyon sa posibleng senatorial bid

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Wala pang “pinal” na desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga panawagan ng kanyang mga kaalyado na tumakbong senador sa Mayo 9, 2022 national elections, sinabi ng Malacañang nitong Biyernes.

Ito ay matapos sabihin ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na pinag-iisipan ni Duterte na tumakbo sa Senado sa darating na halalan.

As far as I know, wala pa pong pinal na desisyon. But as Senator Bong Go said, he is considering,” sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang virtual presser, nang tanungin tungkol sa 2022 political plans ni Duterte.

Sina Go at Duterte ay una nang iprinoklama bilang presidential at vice presidential candidates, ayon sa pagkakasunod, ng naghaharing partido, ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Gayunpaman, sa halip ay tumakbo si Go bilang bise presidente matapos bawiin ni Duterte ang kanyang plano na hanapin ang pangalawang nangungunang posisyon sa bansa habang hinahangad niyang magretiro sa pulitika matapos niyang bumaba sa puwesto ngayong 2022.

Sa kabila ng planong pagreretiro ni Duterte sa pulitika, hinimok ng PDP-Laban ang Pangulo na sumali sa 2022 senatorial race.

Sinabi ni Go na tinitimbang pa rin ni Duterte ang ilang salik, kabilang ang senatorial slate ng PDP-Laban.

Idinagdag niya na ang mga opisyal ng PDP-Laban ay magpupulong bago ang Nobyembre 15 para i-finalize ang Senate slate ng partido.

Natapos ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) noong Okt. 8, ngunit hanggang Nobyembre 15 ang deadline para sa pagpapalit ng mga kandidato ng mga political party.

Pagtakbo ni Roque sa Senado, posible pa rin

Samantala, sinabi ni Roque na pinag-iisipan pa niyang tumakbo sa pagka-senador.

Isa sa mga salik na maaaring mag-udyok kay Roque na tumakbo sa pagka-Senado ay ang diumano’y pagsisikap ng “mga grupong ekstremista” na ilarawan siya bilang isang “war criminal”.

Ang tinutukoy ni Roque ay ang mga militanteng Filipino na nakabase sa New York na gumambala sa pribadong reception na dinaluhan niya sa isang restaurant sa Manhattan noong nakaraang linggo upang magsagawa ng protesta laban sa kanyang nominasyon para sa isang post sa International Law Commission (ILC).

Noong ‘yung mga extremist group eh tinawag akong kriminal, parang talagang ang aking naging resolve ay ano ang sinabi nilang war criminal diyan? At kinakailangan, linisin sana ang ating pangalan,” isinaad niya.

Ayon kay Roque, isang “positive development” na bukas din si Duterte na tumakbo sa pagka-senador.

Lahat po iyan ay kinukunsidera natin dahil may panahon pa naman po. Unang-una po, ‘yung posibilidad na tatakbo din si Presidente para senador. Iyan po ay isang positive na development as far as my own candidacy is concerned dahil patuloy pa rin kaming magkakasama ni Presidente sa kampanya,” aniya.

Sinabi rin ni Roque na nagdarasal pa rin siya para sa isang “himala” na si Davao City Mayor Sara Duterte, sa kabila ng kanyang matatag na paninindigan na tapusin ang kanyang huling termino bilang alkalde, ay makinig sa panawagan ng publiko sa kanya na tumakbo sa pagkapangulo.

Hindi naghain ng COC si Roque sa pagka-senador dahil tinanggihan ni Sara ang mga panawagan na tumakbo siya bilang presidente.

“Pangalawa po, siyempre po, nagdadasal pa rin po tayo ng milagro na baka ma-convince pa rin po natin si Mayor Sara,” wika ni Roque.

LATEST

LATEST

TRENDING