
MANILA – Binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangangailangang pataasin ang vaccination rate sa iba’t ibang local government units (LGUs) upang matugunan ang target ng bansa na mabakunahan ang hindi bababa sa 50 milyong Pilipino upang makamit ang population protection sa Disyembre ngayong taon.
“We cannot reach this target if we will plateau at 400 or 500 [thousand] daily jabs,” sinabi ni Duterte sa kanyang regular na Talk to the People na ipinalabas noong Lunes ng gabi.
Ayon kay Duterte, malaki ang maitutulong ng tuloy-tuloy na immunization program sa local level para mapabilis ang Covid-19 vaccination program sa buong bansa.
Sinabi niya na ang programa ng pagbabakuna ay dapat na palawakin upang isama ang pinakamalayong komunidad.
“At ‘yung mga bakuna na nasa umabot na doon sa pinakamalayong lugar and the provincial, city and municipal health officials will take over,” isinaad ni Duterte. “Ang concern ko lang naman is that–they will be able to preserve the integrity of the vaccines.“
Aniya, hindi dapat mag-expire at walang kontaminasyon ang mga bakuna na gagamitin sa mga malalayong lugar.
Hinimok ni Duterte ang mga LGU na palakasin ang kanilang programa sa pagbabakuna.
“I urged LGUs to come up with a more systematic and efficient way of finding out of who among your constituents have not yet been vaccinated. Please do everything to convince them to get vaccinated,” wika niya.
Pinuri rin ni Duterte ang matagumpay na pilot run ng pediatric vaccination.
Idinagdag niya na ang mga medical students ay maaaring makatulong sa pagpapalawak ng pagbabakuna.
“I’ve heard somewhere that itong mga nursing students, mga seniors, I think–they will be mobilized para magtulong sa pagbabakuna,” aniya.
Noong Oktubre 24, ang Pilipinas ay nakatanggap ng kabuuang 97,678,340 milyong dosis ng mga bakunang Covid-19.
Sa kabuuang bilang ng mga bakuna, 55,715,693 dosis ang naibigay na, na may 30,003,713 na ibinigay bilang mga unang dosis at 25,711,980 bilang pangalawang dosis, kabilang ang single-dose Johnson & Johnson’s Janssen vaccine.





