Duterte iniuugnay pagbaba ng mga kaso sa Covid-19 sa vaccine rollout

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Inilahad ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang makabuluhang pagbaba ng mga kaso sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) ay dahil sa pinaigting na pagbabakuna ng gobyerno.

Ayon kay Duterte sa kanyang Talk to the People na naihatid noong Lunes ng gabi, ang pagbaba ng mga impeksyon sa Covid-19 dahil sa pagbabakuna ay isang “magandang balita”.

“Dahil sa bakuna, bumaba talaga ang hawaan. So kakaunti ang hawaan kasi kakaunti naman ‘yung tao na hindi nabakunahan. So, ‘yun ang magandang balita,” wika ni Duterte.

Sa kabila ng pag-usbong ng mas nakahahawang Delta coronavirus variant, ang Pilipinas ay nakapagtala ng mas kaunting mga kaso ng Covid-19 sa mga nagdaang araw.

Nitong Lunes, ang mga bagong kaso ng impeksyon sa Covid-19 ay 8,292 lamang, ang pinakamababang bilang mula noong Agosto ng taong ito.

Nanindigan si Duterte na ang tanging paraan upang talunin ang Covid-19 ay ang mabigyan ng bakuna ang nakararaming mga Pilipino.

Nagpahayag siya ng pagasa na sa pinaigting na kampanya sa pagbabakuna, ang bansa ay magkakaroon ng “mas maayos at maligayang Pasko”.

If we continue to ramp up the vaccination of our people, along with our consistent practice of mask — huwag pa rin ninyong tanggalin — hugas at iwas, and may (with) the gradual resumption of our economic activities, then we can hope for a better and truly merry Christmas,” wika ni Duterte.

Pagkatapos ay nanawagan siyang muli sa mga eligible na mabakunahan upang maprotektahan ang kanilang sarili laban sa coronavirus sa gitna ng pandemya.

Inulit niya ang kanyang apela, at sinasabing ang ilang mga Pilipino ay nag-aalangan pa ring magpabakuna.

“Kaya iyan na lang ang ipagbilin ko sa’yo na sana sundin ninyo kasi iyan lang talaga ang pampawala ng sakit ng ulo sa bayan natin. Magpabakuna. Alam ko marami pang ayaw eh,” isinaad ni Duterte.

Hinimok ni Duterte ang mga Pilipino na samantalahin ang pagkakataong mabakunahan laban sa Covid-19, lalo na ngayong may sapat na supply ng mga bakuna ang bansa.

“Meron tayong bakuna. Marami nang dumating,” aniya. “We will make use of that so that we can help the country and our fellow human being.

Ayon sa National Covid-19 Vaccination Dashboard na nai-post sa opisyal na website ng Department of Health noong Lunes, isang kabuuang 50,066,590 dosis ng bakunang Covid-19 ang naibigay sa buong bansa.

Humigit-kumulang 23,360,489 katao ang ganap na nabakunahan, habang 26,706,101 indibidwal nakatanggap ng unang dosis ng bakunang Covid-19.

Ayon sa isang survey na isinagawa ng Social Weather Stations mula Hunyo 23 hanggang 26, halos 45 porsyento ng mga Pilipino ang sabik na ngayong mabakunahan laban sa Covid-19.

Samantala, 24% lamang ang hindi sigurado tungkol sa pagkuha ng mga bakuna, habang 21% ang hindi nais na mabakunahan.

Batay sa survey, 10% ng mga respondente ay nabakunahan na, habang 7% ang nakatanggap ng unang dosis at 3% ang natapos ang dalawang dosis.

LATEST

LATEST

TRENDING