
MANILA – Ang pilot pediatric vaccination sa National Capital Region (NCR) ay isasagawa sa mga yugto.
Batay sa naaprubahang mga alituntunin para sa pagbabakuna ng mga bata na magsisimula sa Oktubre 15, sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III nitong Lunes na unang gagawin ang pagbabakuna sa 15 hanggang 17 taong gulang, na susundan ng 12 hanggang 14 taong gulang.
Bago babakunahan ang isang menor de edad, kinakailangan ng pahintulot mula sa magulang o tagapag-alaga, at ang pagbabakuna ay isasagawa sa mga piling ospital ng NCR upang tiyak na masubaybayan ang anumang magiging epekto.
“Para sa ganoon, kung magkaroon man ng mga adverse event following immunization ay at least nasa loob na po ng hospital at mabilis na matugunan kung magkaroon man ng emergency,” sinabi niya sa isinagawang press briefing sa Clark, Pampanga kung saan nasaksihan ng mga opisyal ang isang aktibidad sa pagbabakuna sa mall.
Prayoridad ang mga menor de edad na may comorbidities sa mga lugar ng pagbabakuna sa Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Heart Center, Pasig City Children’s Hospital, Fe Del Mundo Medical Center, at Philippine General Hospital.
Pinapayagan ng Food and Drug Administration ang emergency use authorization ng mga bakunang Pfizer at Moderna para sa mga layuning pagbabakuna.
Sinabi ni National Task Force Against Covid-19 chief Secretary Carlito Galvez Jr. na masusing sinaliksik ang pagbabakuna sa bata bago maaprubahan.
“Nagkakaroon po kami ng continuous research. Also, ‘yung mga ginagawang vaccination ng mga different countries,” aniya.
Isinaad ni Galvez na ang pagbabakuna ay ipapalawak sa ibang mga local government unit sa loob ng Metro Manila para sa karagdagang dalawang linggo pagkatapos ng 14-araw na test run sa anim na ospital.
“After 30 days, magakakaroon na po tayo ng rollout sa buong NCR at sa mga areas na meron na po tayong average na more than 50 percent ‘yung mga A2 [senior citizens] na vaccinated na,” idinagdag niya.
Ang mga alkalde sa NCR ay handa na para sa pagbabakuna sa bata, ayon kay Metro Manila Development Authority head Benhur Abalos.
“They have been doing the preregistration of minors. It’s just a matter of identifying those who have comorbidities of those in the list. All the mayors are ready. They’re very enthusiastic about the pilot, especially the children. They are very much prepared,” sinabi ni Abalos sa isa pang panayam.