DepEd: 18.9M mag-aaral nagpatala para sa AY 2021-2022

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Inihayag ng Department of Education (DepEd) nitong Martes na 18,901,373 mga mag-aaral ang nagpatala sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa para sa Academic Year (AY) 2021-2022.

Ayon sa pinakabagong datos mula sa Learner Information System Quick Count ng departamento, 14,334,046 mga mag-aaral ang nagpatala hanggang Agosto 31 at 4,557,327 ang maagang nagparehistro noong Hunyo 2.

Naitala ng Rehiyon 4-A (Calabarzon) ang pinakamataas na bilang ng mga nagpatala na may 2,736,301, kabilang ang 2,225,592 mga mag-aaral na na-enrol at 480,709 sa ilalim ng maagang pagpaparehistro.

Ang National Capital Region ay ang pangalawang mayroong pinakamataas na bilang ng mga enrollees na may 1,869,853, kasama ang 1,577,728 mga mag-aaral at 292,125 na nagparehistro.

Samantala, 154,670 mga mag-aaral ang nagpatala sa Alternative Learning System.

Noong nakaraang taon, may kabuuang 26,826,387 mag-aaral ang na-enrol sa Kindergarten, Grades 1-6, Junior High, Senior High, at sa Alternative Learning System.

Ang pagpapatala ay magpapatuloy hanggang Setyembre 13, ang unang araw ng taon ng pag-aaral na gagamit ng blended learning habang ang mga face-to-face classes ay mananatiling suspindido dahil sa pandemya.

Itinatag ng DepEd ang Oplan Balik Eskwela 2021 Public Assistance Command Center (OBE-PACC) sa buong bansa nitong Lunes upang tugunan ang mga katanungan at alalahanin ng mga stakeholder bago magsimula ang taon ng pag-aaral.

Ang OBE-PACC sa Bulwagan ng Karunungan, Central Office ay tutugon sa mga katanungan mula sa mga magulang, mag-aaral, at iba pang mga stakeholder sa pamamagitan ng mga hotline, email, SMS, at social media hanggang Setyembre 17.

LATEST

LATEST

TRENDING