
MANILA – Ipinahayag ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo noong Miyerkules na ang kabiguan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magamit ang PHP780.71 milyon na tulong pinansyal para sa mga Pilipinong naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic ay hindi dapat maiugnay sa katiwalian.
Sa kanyang palabas sa komentaryo na Counterpoint, ipinagtanggol ni Panelo ang DSWD, na sinasabing ang pondong inilaan para sa social amelioration program (SAP) ay hindi nagastos sapagkat ang listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo ay hindi kumpleto.
“Iyan pong DSWD, kung meron man diyang unliquidated, simply because ‘yun hong mga bibigyan eh wala doon sa listahan. Kumbaga kulang ang binigay sa kanilang listahan,” wika ni Panelo.
Sinabi rin ni Panelo na gumagawa ng agarang aksyon si DSWD Secretary Rolando Bautista sa pamamahagi ng cash aid.
Isinaad din niya na hindi dapat magalala ang mamamayan dahil ang anumang hindi nagamit na pondo ng SAP ay ibabalik sa National Treasury.
“Talagang merong mga tao na hindi nakasama sa listahan sa anumang dahilan kaya merong perang naiiwan. Eh yun namang mga perang ‘yun, ibabalik naman sa Treasury ‘yun kaya walang problema yun,” aniya.
Samakatuwid, sinabi ni Panelo na ang DSWD ay hindi dapat akusahan ng katiwalian.
Aniya, ang DSWD ay hindi kailanman magsasagawa ng mapanlinlang na operasyon dahil sisiyasatin ng Commission on Audit (COA) ang ahensya.
“Kaya alam niyo, merong dahilan. Hindi korapsyon. Iyan ang sasabihin ko sa inyo,” saad ni Panelo. “Kung hindi man ho maibigay sa inyo ang pera ng DSWD, hindi ho pupuwedeng ibulsa iyan, isasauli iyan kasi nga accountable sila diyan. Hahanapin iyan ng COA.”
Sa 2020 annual audit report ng COA, binanggit nito ang PHP780.71 milyong SAP financial aid na hindi nagamit ng DSWD dahil sa pagsama ng hindi kwalipikadong mga benepisyaryo sa master list.
Ayon rin sa COA, hindi bababa sa 139,300 mga kwalipikadong beneficiary ng SAP na maaaring makakuha ng suportang pampinansyal.
Dagdag nito na mayroong labis na pangangailangan upang suriin nang maayos ang mga naka-target na beneficiary sa pamamagitan ng wastong koordinasyon at pagsubaybay, maayos at mahusay na pagpapatunay na maaaring mapakinabangan ng mga kwalipikadong beneficiary mula sa SAP”.