
MANILA – Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III noong Martes, ang ulat ng Commission on Audit tungkol sa mga kakulangan sa PHP67.32 bilyong pondo ng Department of Health (DOH) na nakalaan para sa pagtugon ng Covid-19 pandemya ay hindi patas at hindi makatarungan, na sinasabing ang isyu ay nakasama sa dignidad ng ahensya at ng mga manggagawa nito.
Sa isang pagdinig sa Kamara sa ulat ng COA, sinabi ni Duque na siya at ang iba pang mga health official ay nawawalan ng tulog dahil ang moral ng ahensya ay napinsala sa naging audit report ng COA noong 2020 hinggil sa mga diumano’y kakulangan sa pamamahala ng mga pondo sa pandemya.
Aniya, hindi man lang nabigyan ng pagkakataon ang DOH na tumugon sa ulat ng pag-audit, na batay sa paunang obserbasyon.
“Winarak na ninyo kami eh, winarak na ninyo ang dangal ng DOH. Winarak ninyo ang lahat ng mga kasama ko dito, hindi kami makaharap sa mga tao dahil lahat ang dami-daming sinasabi, ang dami-daming paratang. Wala pa rin akong tulog, ilang gabi na po ito,” wika niya.
Sinabi niya na dapat isaalang-alang ng COA na ang DOH ay hindi tumatakbo sa ilalim ng normal na kalagayan, ngunit sa isang estado ng public health emergency.
“Masakit po talaga sa amin ito dahil kami ho ang pangunahing ahensya na humaharap, tumutugon sa panahon na ito. Sabi ko nga sa inyo, nagkasakit na ang mga tao ko, nag-isolate, nagquarantine, may namatay na, pero Diyos por Santo, maawa naman kayo, kayo nga ang pumunta dito at kayo ang gumawa?” aniya
Isinaad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kakulangan sa paglalaan ng DOH ay mai-uugnay sa “hindi kumpletong mga papeles”.
Nang punahin ng Pangulo ang ulat ng COA tungkol sa mga kakulangan ng DOH sa paghawak ng pondo ng Covid-19, nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi nagbabanta si Duterte sa COA.
Sinabi ni Roque na nagpapalabas lamang ng mga pagkabigo si Duterte dahil kinondena na ng publiko ang DOH batay sa “paunang obserbasyon” ng COA.
“I don’t think he made any threats. He expressed frustrations kasi nga kung babasahin mo ‘yung mga nalathala based on the preliminary observations eh para bang hindi ginastos ng Department of Health ang [PHP67] billion sa panahon ng pandemya,” wika niya.
Pinahayag din ni Roque na normal lamang para kay Duterte na ipagtanggol ang DOH, dahil hindi makatarungang husgahan ang ahensya batay sa isang ulat sa pag-audit na hindi pa nakakumpleto.
Gayunpaman, tinanggap niya ang paglilinaw ng COA na ang mga nakitang pagkukulang sa pamamahala ng pondong nakalaan sa pamdemya ay hindi nangangahulugang may katiwalian.
Nauna nang nagpahayag ang COA ng diumano’y kabiguan ng DOH na sumunod sa mga umiiral na batas at regulasyon sa pamamahala ng halos PHP67.32 bilyong pondo sa pagtugon ng Covid-19.
Ang mga pondong binanggit ng COA ay inilaan at ginamit sa pagtugon ng pandemya, ayon sa DOH.
Ang mga natuklasan ng COA ay nag-udyok sa mga panawagan para sa pagbitiw ni Health Secretary Francisco Duque sa tungkulin.
Sa kabila ng mga panawagang paalisin si Duque sa kanyang pwesto, nananatiling may tiwala at kumpiyansa si Duterte sa kanya, ayon Roque.
“All Cabinet members serve at the pleasure of the President, and Secretary Duque, according to the President last night, continues to have his full trust and confidence,” aniya.