
MANILA – Isinaad ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Miyerkules na hindi pa inirerekomenda ng mga health expert na magbigay ng pangatlong dosis o “booster” shot sa mga taong ganap nang nabakunahan laban sa Covid-19.
Sinabi ni Vergeire sa isang pagpupulong sa online town hall na ang karamihan sa populasyon ay hindi pa nakakatanggap ng kanilang mga dosis sa bakuna, dahil sa limitadong supply ng bakuna.
“Lagi po natin iisipin itong bakuna po, marami pa po sa ating mga kababayan ang hindi nakakatanggap,” wika ni Vergeire. “Sa ngayon po, sumunod po tayo sa siyensya dahil ang science hindi pa po nakakapagbigay ng full evidence regarding these booster doses for Covid-19 vaccines.“
Ang posibilidad ng mga booster shot ay lumitaw nang kumalat ang lubos na nakahahawa na Delta variant at ang pagdagsa ng mga impeksyon ay nagtaas ng mga isyu tungkol sa kung ang mga nabakunahan ay nangangailangan ng pangatlong dosis.
Kahit ang World Health Organization ay hindi inirerekumenda sa oras na ito ang booster shot ngunit sinusuri nito ang umuusbong na ebidensya sa pangangailangan at sa tamang panahon para sa karagdagang dosis ng bakuna.
Sinabi nito na ang mga booster program ay lalong magpipigil sa ibang bansang low-income sa pagkuha ng mga bakuna dahil ang karamihan sa populasyon ng mundo ay hindi pa bakunado.
Ipinahayag din ng mga health official sa publiko na ang mga bakuna sa coronavirus ay epektibo laban sa mga variant, ngunit kinakailangan pa rin ang pagsunod sa public health protocol.
“Hindi po kaya sugpuin ang transmission sa pamamagitan ng bakuna lamang, ang pagsunod po natin sa minimum public health standards at PDITR strategy ay critical and important in arresting the pandemic,” saad ni Vergeire.
Ayon sa datos ng Food and Drug Administration noong Agosto 1, mayroon lamang 116 na mga kaso ng impeksyon sa mga ganap nang nabakunahan na mga Pilipino, o 0.0013 porsyento ng 9.1 milyon na ganap nang nabakunahan na mga indibidwal.
Sa programa sa pagbabakuna, gumagamit ang Pilipinas ng anim na tatak ng bakuna: Sinovac, AstraZeneca, Sputnik V, Pfizer, Janssen, at Moderna.