
MANILA – Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ng gabi na hindi niya tatanggapin ang hiling ni Health Secretary Francisco Duque III na bumitiw sa tungkulin dahil sa “mga kakulangan” sa pamamahala ng kanyang departamento sa PHP67.32 bilyong pondo para sa pagtugon ng Covid-19.
Sinabi ni Duterte na dati nang “tinangka” ni Duque na magbitiw sa pwesto nang dalawang beses, at inaasahan niyang gagawin niya ito muli.
“Alam ko gusto mo nang mag-resign, pero alam mo rin na tatanggihan kita ngayon,” saad niya.
Giit ni Duterte, hindi dapat magbitiw si Duque dahil wala siyang ginawang mali.
“I expect you to say something to me after this, mag-resign ka. Sabihin ko sa iyo, hindi. Wala ka namang ginawang masama. Bakit ka mag-resign,” dagdag niya.
Ayon kay Duterte, dapat magsampa ng mga akusasyon sa Korte Suprema ang mga naniniwala na si Duque ay tiwali.
“In the end, if you find that there is — mga nawala diyan, mga PHP500, eh ‘di magdemanda kayo, punta ng Supreme Court. The Supreme Court will be a fair arbiter of things,” wika niya.
Sinabi niya na hindi niya papayagan ang sinuman sa kanyang mga miyembro ng Gabinete na magnakaw mula sa mga pampublikong pondo.
“Ako mismo Presidente, ako mismo nangako na I will protect you, it includes your money. Do you think papayag ako na may isa dito sa Cabinet member magnakaw maski PHP1,000? You really think that I would allow it?” dagdag niya.
Pahayag ni Duterte na ang mga kakulangan na natuklasan ng Commission on Audit (COA) ay maaaring maiugnay sa hindi kumpletong mga papeles, binigyang diin na hindi ito awtomatikong nangangahulugan na ang pera ay ninakaw.
“Kapag ang COA nagsabi sa deficiency, ‘di mo masabi na ninakaw ang pera, deficiency is really in producing the necessary documents,” aniya.
Ipinagtanggol ni Duterte si Duque sa maraming talumpati, sa kabila ng panawagan para sa kanyang pagbitiw sa gitna ng mga isyu dahil sa pagtugon sa Covid-19 ng gobyerno at mga anomalya patungkol sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Paulit-ulit niyang sinabi na may tiwala pa rin siya kay Duque.
Nilinaw ng COA ang ulat nito noong Biyernes, na sinasabing ang “mga kakulangan” ay hindi nangangahulugang may kaugnayan sa katiwalian.