
MANILA – Nagbabala ang Malacañang sa publiko noong Huwebes na huwag paniwalaan ang mga “fake expert” na nagsasabing ang mga bakuna sa Covid-19 ay hindi ligtas at mabisa laban sa Covid-19.
Itinanggi ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga bagong pahayag ni Dr. Romeo Quijano, isang retiradong propesor sa University of the Philippines College of Medicine, na ang mga bakuna sa Covid-19 ay “hindi ligtas” at “mas mapanganib” kaysa sa virus na sanhi ng sakit sa paghinga.
“Huwag po kayo makinig sa nagsasabing hindi epektibo at hindi ligtas ang mga bakuna. ‘Yan po ay mga pekeng eksperto,” sinabi ni Roque sa isang press briefing ng Palasyo.
Ipinahayag niya na ang lahat ng bakuna sa Covid-19 na inaprubahan ng World Health Organization (WHO) at Food and Drug Administration (FDA) ay may bisa laban sa pag-iwas sa pagkamatay at malubhang karamdaman dahil sa Covid-19, ayon sa mga eksperto sa kalusugan sa buong mundo.
“Sa buong mundo po kinikilala natin na lahat po ng bakuna na ginagamit natin aprubado ng WHO at ng Philippine FDA at iba’t-ibang FDA ng iba’t-ibang bansa ay ligtas at epektibo,” aniya.
Binigyang diin ni Roque na ang mga eksperto sa kalusugan sa buong mundo ay naniniwala na ang bakuna sa Covid-19 ang “solusyon” sa nagpapatuloy na krisis sa kalusugan.
Sa isang magkakahiwalay na pahayag, pinintasan ng Department of Health (DOH) ang pagkalat ng mali at mapanlinlang na impormasyon tungkol sa bakuna. Tinawag itong “iresponsable” sa gitna ng nagpapatuloy na banta ng Covid-19 at ang mas nakahahawang Delta variant.
Ayon sa DOH, mayroong dumaraming bilang ng mga ebidensya sa buong mundo na nagpapakita na ang mga bakuna sa Covid-19 ay naging epektibo sa makabuluhang pagbaba ng hospitalization at pagkamatay sa mga nabakunahan.
“Despite increases in Covid-19 cases in these countries, the same rate of increase is not seen in hospitalization and deaths,” saad ng DOH.
Nadismaya rin si Dr. Edsel Salvana, na isang miyembro ng DOH-Technical Advisory Group, sa ilang mga health professional na naniniwala sa mga “conspiracy theory” at nakikipag-ugnayan sa “sensationalist propaganda” nang walang pinapakitang ebidensya.
Sinabi niya na ang nasabing hakbang ay nagkakahalaga ng buhay at nagpapatagal sa pandemiya.
“Their credentials as doctors and their willingness to unwittingly drag their institutions into the fray is confusing the public and affecting vaccine confidence. This will ultimately cost lives and prolong the pandemic,” pahayag ni Salvana sa isang Facebook post.
Sa ngayon, nakatanggap ang Pilipinas ng 39.5 milyong dosis ng iba’t ibang mga bakuna sa Covid-19.
Ang mga tatak ng bakuna sa Covid-19 na kasalukuyang bahagi ng imbentaryo ng Pilipinas at na-clear para sa emergency na paggamit ay Sinovac, Sinopharm, AstraZeneca, Pfizer, Sputnik V, Moderna, at Johnson & Johnson.