
MANILA – Ipinahayag ng Malacañang nitong Huwebes na hindi pinasimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tirada laban kay Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Ito ay matapos sabihin ng oposisyon ng mga mambabatas ng Makabayan noong Miyerkules na ang pag-atake ni Duterte kay Domagoso ay isang “kahihiyan”.
“Wala po akong narinig na pambabatikos laban kay Mayor Isko na nanggaling sa bibig ni Presidente,” sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang virtual press conference.
Sa kanyang paunang naitalang Talk to the People na ipinalabas noong Lunes ng gabi, binatikos ni Duterte ang isang hindi pinangalanan na “alkalde” sa Metro Manila dahil sa pagkakaroon ng “hindi maayos na pag-iisip”.
Tinukoy din ni Duterte ang alkalde ng Metro Manila bilang isang “call boy” dahil sa pagkakaroon ng mga “bikini” na mga larawan.
Inakala ng ilan na ang tinutukoy ni Duterte ay si Moreno, na isang dating artista na gumanap sa mga seksing papel.
Nang tanungin ulit patungkol sa pagkakakilanlan ng alkalde ng Metro Manila na binanggit ni Duterte, sumagot si Roque, “I will leave it at what the President said. As I said, I’m only a spokesperson. I cannot rise above my source. The President is my source.”
Tinanong ulit kung papangalanan ng Pangulo ang kontrobersyal na lokal na opisyal, sinabi ni Roque: “That’s up to him (Duterte).”
Noong Lunes din, tinanggalan ni Duterte ng awtoridad ang hindi pinangalanang alkalde ng Metro Manila sa pamamahagi ng ayuda sa mga residente na apektado ng enhanced community quarantine dahil sa umano’y magulong pamamalakad sa pagbabakuna sa loob ng nasasakupan na lokal.
Inatasan din niya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na sakupin ang pamamahagi ng ayuda sa nasabing lungsod sa Metro Manila upang maiwasan ang kasikipan at kaguluhan sa lugar.
Nang tinanong tungkol sa katayuan ng utos ni Duterte sa DSWD at DILG, sinabi ni Roque, “I do not know if this has been rescinded. Please ask DILG and DSWD. But I can confirm that the President gave that order.”