
MANILA – Pag-aaralan ng Metro Manila Council (MMC) ang maraming datos bago magpasya kung palawigin ang enhanced community quarantine (ECQ) o babaan ang pag-uuri sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez, ang tagapangulo ng MMC, na ang mga alkalde ng 16 na lungsod at nag-iisang munisipalidad ng NCR ay makikipagpulong sa Department of Health (DOH) at iba pang mga eksperto mga apat na araw bago ang Agosto 20.
“Titingnan po namin ‘yung data kasi lahat po kami sa Metro Manila Council, ‘yung mga mayors po natin, nagbe-base po tayo doon sa ating health data,” isinaad ni Olivarez sa isang panayam sa paglunsad ng Nayong Pilipino drive-thru vaccination center sa Parañaque City noong Huwebes.
“Kung makikita natin na bababa po ‘yan pero gradually, bababa ‘yung ating quarantine immediately pero hindi po magiging GCQ (general community quarantine) siya definitely. Kaya po ‘yung data po natin titingnan po natin,” aniya.
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, maaga pa upang talakayin ang pagpapalawak ng ECQ sa Metro Manila “dahil sa kawalan ng datos sa puntong ito”.
Sa isang pakikipanayam noong Miyerkules, sinabi ni Duque na ang mga awtoridad sa kalusugan ay dapat mangolekta ng sapat na data sa buong panahon ng ECQ.
“Basta ang ating batayan consistently ay ‘yung fresh data at ‘yung recommendation ng analytics. Tinitingan ‘yung data araw-araw kung gaano katulin ang pagkalat ng Covid virus,” wika niya.
Ang two-week growth metric at average daily attack rate, ayon kay Duque, ay dapat gamitin upang masuri ang hawahan.
Nabanggit din niya na ang banta sa populasyon na madaling kapitan sa Covid-19 ay isasaalang-alang.
“In the absence of these data, we cannot, at this point, say there’s a possibility for ECQ to be extended,” saad ni Duque.