Duque: Huwag mag-hoard ng medical oxygen tank

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Hinimok ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko noong Miyerkules na tigilan ang pagtatago ng mga medical oxygen tank upang maiwasan ang “artipisyal na kakulangan” sa gitna ng banta ng posibleng pagdagsa ng mga kaso ng Covid-19 dahil sa Delta variant.

“Ang aking pakisusap hayaang lang na umikot ang mga tanke ng oxygen. Kasi ‘pag tinago mo mawawala sa circulation ang oxygen tank na yun so mababawasan yan at pwedeng magkaroon ng artificial shortage. Yan po ang ating tinutugunan,” sinabi ni Duque sa ceremonial turnover ng limang modular hospital unit sa the Lung Center of the Philippines sa Quezon City.

Ang mga indibidwal ay hindi dapat bumili ng mga tanke ng oxygen para gamitin sa bahay, ayon kay Duque.

“Hindi po pwede magtago o maghoard ang mga indibidwal ng mga oxygen tanks dahil una it is prescribed by doctors, it is a medicine hindi pwedeng bumili kung saan-saan lang,” saad niya.

Sinabi niya na ang health department ay naglabas na ng mga alituntunin sa wastong paghawak ng oxygen.

Please lang po ‘wag tayong mag-hoard kung hindi po kinakailangan at makinig po tayo sa ating mga doktor hindi naman po pwedeng sila ay basta-basta na lang mag-prescribe lang kung walang malinaw na indikasyon,” wika niya.

Samantala, sinabi ni Duque na regular na nakikipagpulong ang gobyerno sa mga oxygen manufacturer at Department of Trade and Industry (DTI) upang maghanda para sa isang posibleng pagdagsa sa mga kaso ng Covid-19 dahil sa isang mas nakahahawang Delta variant.

Ang mga oxygen manufacturer, ayon kay Duque, ay nakatuon sa paghahanda ng kanilang mga mapagkukunan at mga supply ng mga tanke ng oxygen.

In terms of unit measurements kung 203 tonnages per daily ang nauubos sa normal na sitwasyon. Kung magsi-surge ay makakaya nila times three–up to 605 tonnages per day,” aniya.

Sinabi ni Duque na ang mga oxygen manufacturing company ay nagsimula nang mag-import ng mga tanke o silindro ng oxygen.

Inaasahan ng health department ang dalawang beses na pagtaas ng mga impeksyon sa Covid-19 sa mga darating na buwan, kumpara sa nakaraang pagtaas noong Marso at Abril.

Sinabi rin ni Duque na isinasaalang-alang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tax relief para sa mga gumagawa ng medical-grade oxygen.

LATEST

LATEST

TRENDING