
MANILA – Hinimok ng Malacañang nitong Martes ang mga residente ng Metro Manila na sundin ang pagbabawal sa ‘outdoor exercise’ sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa metropolis ng bansa.
Pinayuhan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga naninirahan sa Metro Manila na manatili sa bahay sa panahon ng ECQ upang protektahan ang kanilang sarili laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).
“Kapag sa tingin nila, importante na 10 days lang naman, eh sa bahay na muna tayo, sumunod na po tayo,” saad ni Roque.
Ito ay matapos sumang-ayon ang mga alkalde ng Metro Manila na gumawa ng isang resolusyon na nagbabawal sa ‘outdoor exercise’ sa panahon ng ECQ.
Ang Metro Manila ay inilagay sa ECQ mula Agosto 6 hanggang 20 upang mapigilan ang pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant ng Covid-19.
Walang pinapayagan na mag-ehersisyo sa labas hanggang Agosto 20, ayon sa resolusyon na nilagdaan noong Lunes ng 17 mga alkalde ng Metro Manila at ang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority na si Benjamin Abalos Jr.
Bago ipinalabas ang resolusyon, pinapayagan ang ‘outdoor exercise’ sa Metro Manila mula 9 a.m. hanggang 6 p.m.
Kasunod ng tuloy-tuloy na pagtaas sa mga impeksyon sa Covid-19 sa Metro Manila, kabilang ang kumpirmadong mga kaso ng Delta coronavirus variant, ang kasalukuyang desisyon ay napagpasyahan.
Sa ilalim ng resolusyon, ang pananatili sa loob ng bahay ay isa sa pinakamahusay na proteksyon laban sa Covid-19 ngayong ECQ.
Sinabi ni Roque na suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon na ipagbawal ang ‘outdoor exercise’ sa Metro Manila.
“Ito po ‘yung pagkakataon na ang Presidente, nagde-defer sa mga lokal na pamahalaan. Sila po kasi ang nagpapatupad ng ating mga quarantine,” aniya.
Matapos ang pagtaas sa mga kaso ng Covid-19 sa dalawang linggong paglago ng 47 porsyento, ang Pilipinas ay nauuri bilang “mataas na peligro”.