
MANILA – Imposibleng matukoy ang mga kaso ng Delta variant mula sa regular na impeksyon sa Covid-19 dahil magkatulad ang kanilang sintomas kagaya ng trangkaso.
Ibinanggit ng DOH na ang Delta variant na unang natuklasan sa India ay may parehong sintomas sa karaniwang kaso ng Covid-19: sakit ng ulo, namamagang lalamunan, sipon, at lagnat.
Gayunpaman, ang Delta variant ay mas madaling makahawa at binabawasan ang pag-neutralize ng antibody.
“Viruses naturally undergo mutations as they reproduce. Some mutations might not have significant effects, but other mutations may make the virus more transmissible,” saad ng DOH.
Ayon sa DOH, ang isang kaso ng Delta variant ay maaaring makahawa hanggang walo katao, na naging dahilan sa pagtaas ng mga kaso sa buong bansa, kasama ang Alpha variant, na maaari lamang makahawa ng tatlong tao, at ang Beta variant, na maaaring makahawa sa apat hanggang limang tao.
Maiiwasan ang impeksyon sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa mga public health protocol tulad ng paggamit ng face mask at face shield, madalas na paghuhugas ng kamay, isang metrong physical distancing, at sapat na bentilasyon.
Inirekomenda ng DOH ang publiko na i-isolate ang kanilang sarili kung nagkakaroon sila ng mga sintomas at humingi ng tulong medikal sa lalong madaling panahon.
“Get vaccinated when it’s your turn and complete the required doses,” payo ng ahensya.
Habang kinakailangan ng karagdagang mga pag-aaral upang matukoy ang bisa ng bakuna laban sa Delta variant, binigyang diin ng DOH na ang mga indibidwal na ganap nang nabakunahan ay protektado mula sa matinding sintomas ng Covid-19.
Sa ngayon, may kumpirmadong 450 kaso ng Delta variant sa bansa, kasama ang lahat ng 17 lungsod at bayan sa Metro Manila.