
MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) noong Huwebes na kung ang indibidwal ay nabakunahan man o hindi laban sa Covid-19 ay walang magiging implikasyon sa pagtatrabaho o sa pagtanggap ng cash aid sa mga lugar na naka-quarantine.
Magpapatuloy din ang pagbabakuna kahit na mayroong enhanced community quarantine sa lugar, tulad ng sa National Capital Region mula Agosto 6 hanggang 20.
“Huwag po tayong maniwala sa fake news na ‘pag hindi nabakunahan walang ayuda o hindi papapasukin sa trabaho. Iwasan po nating magpakalat ng mga fake news gaya ng mga ito na nagdudulot ng kalituhan sa ating mga kababayan,” pahayag ng DOH.
Ayon sa DOH, ang pinakamahalagang bagay na dapat tandaan ay sundin ang mga panuntunan sa kalusugan upang maiwasan ang pagkahawa o pagkalat ng Covid-19.
“Suotin ang face mask at face shield nang maayos, mag-physical distancing at magdala ng alcohol at sariling ballpen kapag tayo ay magpapabakuna nang ayon sa schedule,” saad ng DOH.
Hinimok din ng DOH ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng pagpaparehistro upang mas mahusay na mapamahalaan ang mga pasilidad sa pagbabakuna at maiwasan na ang inokulasyon ang maging dahilan ng matinding pagkalat ng Delta variant.