
MANILA – Pinapayagan na ng Philippine National Police (PNP) ang mga di-APOR sa pagsundo ng mga authorized persons outside of residence (APORs) sa loob ng dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
“I coordinated with the NTF (National Task Force against Covid-19) and eventually with (Interior and Local Government) Secretary Eduardo Año. Binalanse na po natin ito at ina-allow na po ang mga worker APOR natin, mga trabahante sa mga permitted industries ang labas nila is work related, meaning papasok at uuwi na sila ay ihahatid kung talagang hindi sila puwedeng mag-drive na ihatid sila ng non-APOR driver,” sinabi ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar sa panayam ng CNN Philippines nitong Huwebes.
Gayunpaman, sinabi rin Eleazar na kinakailangang iprisinta sa checkpoint ang mga dokumento na nagpapakita ng pangalan ng itinalagang tagakuha/driver ng APOR, mga detalye ng sasakyan, at contact number, pati na rin kopya ng permiso sa pinagta-trabahuan ng APOR.
“Ang basis kasi natin dito nasa ECQ tayo na pinakamataas na quarantine restriction at nakasaad dyan na APOR lang ang pwede lumabas at ang non-APOR hindi lalabas. At lalo na nag-o-operate naman ang ating public transportation,” wika ni Eleazar.
Sinabi ni Eleazar na ang pamamaraan ay dati nang ipinagbawal dahil sa mga alalahanin na maaari itong abusuhin ng mga motorista.
“Nakita na natin nung mga naunang implementation ng ECQ and modified ECQ (MECQ), maraming nagpapalusot. Ano ba naman yung sabihin mo, ‘ako ay susundo, ako ay galing sa pagsusundo’. So lahat ng mga ito puwedeng abusuhin kaya lang kinonsider natin na ayaw natin magsakripisyo itong napakaraming worker APOR natin na sumusunod dahil sa mga iilan nagpapalusot ng ating mga kababayan,” dagdag niya.
Hinimok ng Commission on Human Rights (CHR) ang PNP nitong Miyerkules na muling isaalang-alang ang patakaran.
Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline de Guia, habang lubos nilang nauunawaan ang pangangailangan ng mga paghihigpit sa quarantine, ang mga health worker at empleyado ng iba pang mahahalagang industriya ay hindi dapat mapagkaitan ng karapatan sa isang ligtas na paraan ng pagpunta sa kanilang mga lugar ng trabaho.
Simula Biyernes hanggang Agosto 20, ang Metro Manila ay ilalagay sa ilalim ng ECQ upang mapigilan ang karagdagang pagkalat ng coronavirus Delta variant.