
MANILA – Hinimok ng Commission on Human Rights (CHR) ang Philippine National Police (PNP) noong Miyerkules na suriin at muling isaalang-alang ang bagong regulasyon na nagbabawal sa “hatid-sundo” sa mga authorized persons outside of residence (APORs).
Sinabi ni CHR Spokesperson Jacqueline de Guia sa isang pahayag noong Miyerkules na lubos na nauunawaan ng komisyon kung bakit isinasaalang-alang ng PNP ang pagbabawal sa “hatid-sundo” sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila upang “makontrol ang pagdagsa ng impeksyon na dulot ng Covid Delta variant”.
“The Commission on Human Rights (CHR) stresses that providing mobility to APORs, while ensuring their health and safety, must always be considered in implementing policies that restrict the movement of the general public,” wika niya.
Isinaad ni De Guia na ang mga frontliner tulad ng mga health worker at essential industry employees, pati na rin ang iba pang mga APOR, ay hindi dapat alisan ng karapatan sa isang ligtas na paraan ng transportasyon.
“It also exposes them to a higher risk of infection as there is no guarantee that there are enough public utility vehicles available during ECQ,” dagdag ni de Guia.
Ang pag-aalala ng awtoridad tungkol sa hinihinalang pagsasamantala sa iskemang ‘hatid-sundo’, sinabi niya, ay maaaring matugunan sa pamamagitan ng paghingi ng dokumentong magpapatunay “na ang mga pasahero at driver ng sasakyan ay talagang mga APOR o mga awtorisadong tao upang sunduin ang mga APOR”.
“We call on the PNP to review this measure and put into consideration the welfare of our APORs,” saad ni de Guia.
Sinabi ni De Guia na dapat kilalanin ng gobyerno ang napakahalagang mga kontribusyon ng mga front-liner at patuloy na suportahan sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa gitna ng pandemya.
Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar sa naunang panayam sa radio na ang paghatid-sundo ng mga APOR papunta at mula sa kanilang mga pinagtatrabahuhan at bahay ay hindi pinahihintulutan sa loob ng dalawang linggong ECQ sa Metro Manila “dahil maaaring magamit ito bilang isang dahilan” upang maiwasan ang stay at home na protokol.