
MANILA – Inanunsyo ng Malacañang nitong Martes na ang PHP13.1 bilyong tulong pinansyal ay ibibigay sa halos 10.7 milyong mga residente ng Metro Manila, na manggagaling sa pondo ng mga ahensya ng gobyerno.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga apektado ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang virtual press conference na ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa Metro Manila ay makakatanggap ng PHP1,000 bawat tao, na may maximum na PHP4,000 bawat sambahayan.
“Bagama’t napakahirap ng lockdown, eh ang gobyerno naman po ay magbibigay po ng kahit papaanong tulong pinansiyal,” saad ni Roque. “Saan po kukunin? Well, ito po ay kukunin sa savings ng lahat ng mga ahensiya ng gobyerno.”
Ang Administrative Order (AO) 41 ni Duterte, na nilagdaan noong Mayo 4, ay nagtatag ng mga mapagkukunang pampinansyal para sa mga lugar sa ilalim ng ECQ, tulad ng NCR.
Ayon sa AO 41, ang savings ng mga state department, ahensya, kawanihan, at tanggapan ay gagamitin para sa pagbibigay ng emergency subsidies sa mga kabahayan na may mababang kita at mga dehadong manggagawa na naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Mula Agosto 6 hanggang 20, ang Metro Manila ay sasailalim ng ECQ upang ihinto ang pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant ng Covid-19.
Kung ang mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila ay nangangailangan ng karagdagang pondo, gagamitin ng gobyerno ang “windfall” na nakuha ng Bureau of Treasury, ayon kay Roque.
Sa loob ng dalawang linggong pagpapatupad ng ECQ, magkakaroon ng mas mahabang oras ng curfew at mas mahigpit na mga kontrol sa hangganan sa Metro Manila.
Nagpasya ang mga alkalde ng Metro Manila na magpatupad ng curfew mula 8 p.m. hanggang 4 a.m.
Ang quarantine pass ay ilalabas din upang matiyak ang pag-access ng publiko sa mahahalagang kalakal at walang patid na serbisyo ng mga manggagawa sa kalusugan at iba pang mahahalagang tauhan.
Nagbabala ang Department of Health noong Lunes na kung hindi maipatupad ang ECQ, ang mga kaso ng Covid-19 sa Metro Manila ay maaaring umabot sa 15,000 bawat araw.