
MANILA – Ipinahayag ng Malacañang noong Huwebes na si Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao ay malayang magpakita ng ebidensya upang mapatunayan ang kanyang mga akusasyon na ang mga katiwalian ng gobyerno ay nananatiling laganap.
“Well, pabayaan po natin si Senator Pacquiao kung ano ang gusto niyang isiwalat. It’s a free country,” sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang virtual conference.
Inilabas ni Roque ang pahayag matapos mangako si Pacquiao na maglalabas ng audio at video recording upang mapatunayan ang kanyang mga akusasyon ukol sa katiwalian laban sa mga ahensya ng gobyerno.
Sinabi ni Pacquiao na ipapakita niya ang ebidensya kapag siya ay nakabalik mula sa US pagkatapos ng laban niya kay Errol Spence Jr. sa Agosto 22 (Agosto 21, oras ng US).
Sa ngayon ay nasa US si Pacquiao na naghahanda para sa laban nila ni Spence.
Bago magtungo sa US, sinabi ni Pacquiao na nagpapatuloy ang katiwalian sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, at pinangalanan ang mga departamento ng social welfare, health, energy at environment bilang mga tiwaling ahensya ng gobyerno.
Nag-file din ng resolusyon si Pacquiao noong Hulyo 15 na nananawagan para sa isang pagsisiyasat ng Senado sa sinasabing nawawalang pondo ng Department of Social Welfare and Development na nagkakahalaga ng PHP10.4 bilyon para sa social amelioration program, upang magbigay ng tulong pinansiyal sa mga mahihirap sa panahon ng pandemiya.
Nangako si Duterte na mangampanya laban kay Pacquiao, na balak na tumakbo sa pagka-pangulo ngayong 2022, kung sakaling bigo itong maipakita ang mga katibayan ng kanyang mga paratang sa malawakang katiwalian sa gobyerno.
Sa kabila nito, hiniling pa rin ni Roque ang pagkapanalo ni Pacquiao sa darating na laban nila ni Spence.
“Pero sa ngayon po, kaisa niya ang isang buong Pilipinas in wishing him good luck sa paparating na laban niya,” wika ni Roque.
Ang malapit na kaalyado ni Pacquiao na si Bacolod Rep. Monico Puentevella ay nag demand ng paumanhin noong Martes mula kay Duterte dahil sa kanyang bastos na pananalita laban sa senador.
Sa parehong araw, sinabi ni Roque na hindi kailangang humingi ng paumanhin ni Duterte kay Pacquiao dahil ginagamit lamang niya ang kanyang karapatan sa malayang pagpapahayag.