
MANILA – Ang ilan sa mga bagong biling body-worn cameras (BWCs) ng Philippine National Police (PNP) ay gagamitin sa huling State-of-the-Nation-Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 26.
“For Metro Manila, our different police stations were issued BWCs and as per arrangement, ito ‘yung mga sinasabi natin na mga events na gagamitin natin sila, and aside from that meron tayong alternative recording devices, itong mga cellphones na gagamitin,” sinabi ni PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar sa mga reporter sa Camp Crame nitong Biyernes.
Ayon sa kanya, susuportahan ng BWCs ang pulisya upang masiguro ang seguridad ng SONA sa kanilang mga istasyon.
Ipinahayag din ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Maj. Gen. Vicente Danao Jr. na ang BWCs ay gagamitin upang subaybayan ang sitwasyon sa mga mahahalagang rehiyon upang matukoy kung alin ang nangangailangan ng karagdagang pulisya.
Sa ngayon, ang PNP ay namahagi ng 2,696 BWCs sa 171 mga istasyon ng pulisya at mga yunit sa buong bansa.
“Accordingly, we will be deploying around 15,000 personnel, including na itong mga augmentation sa atin, and for the PNP, there will be around 11,800 police personnel, 9,900 or almost 10,000 coming from NCRPO and around 1,900 coming from other units,” dagdag niya.
Idinagdag pa niya na ang puwersa ng pulisya ay madaragdagan ng 3,300 mga tauhan na hindi taga-PNP o mga nagmumula sa Armed Forces of the Philippines, Bureau of Jail Management and Penology, Metropolitan Manila Development Authority, at iba pang mga force multiplier.