
MANILA – Sinusuri ng pamahalaan ang ilang mga kadahilanan na magpapasiya kung kailangang baguhin ang mga panukala na ipinatupad upang labanan ang coronavirus disease 2019 (Covid-19), ayon sa Malacañang noong Miyerkules.
Ito ay matapos banggitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mas pinahigpit na pag-iingat sa kalusugan dahil sa posibleng hatid ng “mas agresibo at nakamamatay na” Covid-19 Delta variant sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang online news conference na ang mga posibleng pagbabago sa mga hakbang sa anti-coronavirus ay nakasalalay sa daily attack rate, two-week average attack rate, at health care utilization rate.
“Nakabase po iyan sa datos. So, babantayan pa rin natin ang daily attack rate, two-week average attack rate at ang healthcare utilization rate,” sabi ni Roque.
Sa ngayon, 35 na kaso ng Delta coronavirus variant ang naiulat sa Pilipinas. Walo sa 35 na mga kaso ay nananatiling aktibo.
Ang panganib ng Delta variant ay nagpumilit sa mga alkalde ng Metro Manila na humiling sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na suspindihin ang patakaran na pinapayagan ang mga bata na 5 taong gulang na lumahok sa mga panlabas na aktibidad sa mga lugar na napapailalim sa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ (MGCQ).
Sinabi ni Roque na ang IATF-EID ay magsasagawa ng pagpupulong sa Huwebes upang talakayin ang panukala ng mga alkalde.
“Matagal ko na pong sinasabi na napakahirap na balewalain ang mga suhestiyon ng mga alkalde na nagpapatupad po ng IATF policies,” saad niya.
Sinabi din niya na pinatindi ng gobyerno ang kampanyang “Prevent-Detect-Isolate-Treatment-Reintegrate” na kampanya upang maiwasan ang lokal na pagkalat ng Delta variant.
“Mananatiling parehas ang ating mga istratehiya ngunit mas papaigtingin pa po natin ang pagpapatupad ng minimum public health protocols,” sabi niya.
Iminungkahi ni Duterte ang posibilidad na magpatupad ng mas mahigpit na mga protokol sa kanyang pre-recorded Talk to the People, na ipinalabas noong Lunes ng gabi, na ayon sa kanya ang pagkakaroon ng Delta variant sa bansa ay nag-sanhi ng mga takot at pag-aalala.
Ipinaalam ni National Task Force Against Covid-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. sa publiko noong Hulyo 16 na ang bansa ay “handa na” laban sa mas nakahahawang Delta variant.
Ayon sa mga eksperto sa kalusugan, ang Delta variant ay maaaring makahawa hanggang sa walo o siyam na tao, na maaari ring makahawa pa sa walo o siyam pang mga tao.