
MANILA – Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ang Anti-Cybercrime Group (ACG) nitong Huwebes upang siyasatin ang hinihinalang pagbebenta ng pekeng negative swab test result.
“Inatasan natin ang CIDG at ACG na tingnan ang bagay na ito. Hindi talaga nauubusan ng modus ang mga tuso at oportunista para pagkakitaan ang pandemya,” sinabi ni Eleazar sa isang pahayag.
Isinaad sa mga ulat na ang negative reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test result ay ibinibenta sa halagang PHP1,000 bawat isa nang hindi dumadaan sa aktwal na swab test.
Hinihingan pa rin ng ilang lokal na pamahalaan ang mga manlalakbay ng negative Covid-19 swab test result kahit na sila’y ganap nang nabakunahan.
“We will not allow this. The PNP will track down and arrest the persons behind this kind of scam,” diin niya.
Inilarawan ito ni Eleazar bilang isang nakakalungkot dahil sa panganib na hatid nito sa kalusugan ng publiko at ekonomiya.
Binalaan din niya ang mga pinuno ng pulisya na maaari silang managot kung hindi nila binabantayan ang mga iligal na aktibidad sa kanilang nasasakupan.
“Inatasan ko na ang ating unit commanders na palakasin ang kampanya laban sa mga ganitong uri ng kalokohan at pagsamahin ninyo sa kulungan ang mga nagbebenta at bumibili ng pekeng swab test result. Walang gagawa kung walang tumatangkilik kaya sila ay dapat managot dito,” dagdag niya.
Hinihikayat ni Eleazar ang publiko na agad magsumbong sa pulisya kung may natuklasang impormasyon ukol sa mga iligal na gawain.
“Kung kayo ay nabiktima na ng ganitong modus o may nanghikayat sa inyo na kumuha ng falsified negative RT-PCR result ay ipagbigay alam ninyo agad sa mga otoridad. Huwag ninyong sakyan o patulan ang ganitong mga scam dahil pati kayo ay mahaharap sa asunto,” binigyang diin ni Eleazar.